
Ni NOEL ABUEL
Sinisiguro ni Senador Sonny Angara na magbibigay ang teaching supplies allowance para sa mga pampublikong guro sa buong bansa.
Ayon kay Angara, kaugnay sa pagpapatuloy ng naturang pondo na nakalaan sa iba’t ibang mahahalagang pangangailangan ng mga guro, tulad ng mga kinakailangang materyal sa paaralan, pambayad ng incidental expenses at ang implementasyon ng iba’t ibang learning delivery modalities na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd).
Dating tinaguriang chalk allowance, ang teaching supplies allowance ay dating nagkakahalaga lamang ng P700 nang ipatupad ito noong 2011.
Mula noon ay tuluy-tuloy na ang pagtaas ng halaga nito na naging P1,000 noong 2012; P1,500 noong 2016; P2,000 noong 2017; P3,500 noong 2018 at P5,000 mula 2021 hanggang sa kasalukuyan.
“Mula nang tayo ay maging chairman ng Senate Finance committee noong 2019, siniguro na nating laging may pondo ang teaching supplies allowance. Ang kasalukuyang P5,000 teaching allowance ay ipinatupad na noong 2021 at ang bagong batas na magtataas sa halaga nito ay ikinakasa pa lamang,” ani Angara.
Magugunitang noong 2010, ang kabuuang halaga para sa P700 a year chalk allowance ng may 557,453 guro ay umaabot lamang ng P392 milyon.
Gayunpaman, sa pagdaan ng panahon ay patuloy rin sa pagtaas ang bilang ng mga guro, gayundin ang requirements for teaching at ang halaga ng teaching supplies.
Noong 2015, umabot sa P1 bilyon ang kinailangang pondo para para maipatupad ang P1,500 kada taon na chalk allowance hike ng public school teachers na umabot na sa 681,024.
At noon namang 2021, nang maitaas sa P5,000 ang teaching allowance, umabot na sa P4 bilyon ang taunang pondo na inilalaan dito ng Kongreso.
Sa kasalukuyan, mahigit 960,000 na ang nakatalang guro sa mga pampublikong paaralan.
“Mahalaga na matugunan natin ang pangangailangan ng ating mga guro sa pagturo ng mga kabataan. Hindi na dapat nangyayari na nag-a-abono pa ang mga guro para bumili ng supplies dahil sa kulang ang allowance na galing sa pamahalaan,” ayon kay Angara.
Isa si Angara sa mga may-akda ng Senate Bill No. 1964 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na naging dahilan upang maging permanente ang pagkakaloob ng teaching supplies allowance sa public school teachers.
Sa sandaling maisabatas, iaatas ng Kabalikat sa Pagtuturo Act ang pagtataas sa teaching supplies allowance nang hanggang P10,000 kada taon.
“Matagal na natin itinutulak ang panukalang batas na ito at inaasahan natin na susuportahan ito ng ating Pangulo para sa kapakanan ng ating mga guro at mag-aaral,” sabi pa ng senador.
