
Ni NOEL ABUEL
Pinangasiwaan ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera ang turnover ng anti-dengue misting machines, cash donation, at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program funds sa Quezon City government.
Ang turnover ng mga makina mula sa Rotary Club of Kyoto Higashiyama sa Japan, P500,000 cash donation mula sa Philippine Rotary District 3780, at P3 milyong halaga ng AICS funds na pinangasiwaan ni Herrera, ay ginanap noong nakalipas na Lunes sa flag-raising ceremony sa Quezon City Hall sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte.
Ang okasyon ay nagkaroon ng espesyal na pagkakataon para kay Herrera, na dating naging konsehal sa loob ng siyam na taon sa panunungkulan ng ama ng kasalukuyang mayor na si Feliciano “Sonny” Belmonte Jr., na kalaunan ay naging Speaker ng Kamara.
Ang kapatid ni Herrera na si Bernard, ay kasalukuyang nagsisilbing konsehal na kumakatawan sa unang distrito ng lungsod.
Sa kanyang pagsasalita sa flag-raising ceremony, ginunita ni Herrera ang kanyang 23 taong serbisyo publiko sa Quezon City Hall, na itinatampok ang kanyang tungkulin sa paglulunsad ng mga makabuluhang programa kabilang ang “computer-on-wheels,” mobile clinic, “skills-on-wheels,” at TESDA scholarships.
Tinalakay ni Herrera ang kagyat na problema sa pagtaas ng kaso ng dengue sa Quezon City, kasabay ng panawagan ng agarang pangangailangan para sa maagang pagkilos laban sa dengue.
Sa datos, sa unang tatlong buwan ng 2024, mayroong 998 na kaso ng dengue sa lungsod, mula sa 721 na kaso sa buong 2023.
Gayundin, dalawang buhay na ang nawala sa sakit ngayong taon, kumpara sa isa noong nakaraang taon.
“Kailangang sugpuin natin ang dengue, kailangang labanan natin ito. Narito po kami para i-turn over ang anti-dengue machines sa ating city health department,” sabi ni Herrera, na sinamahan ni Rotary District 3780 Governor Paul Angel Galang at past president Robert Nazal.
Pinuri rin ni Herrera ang plano ni Belmonte na turuan ang mga pamilya sa Quezon City laban sa dengue.
Nagbigay rin ang Rotary District 3780 ng P500,000 para karagdagang pondo sa Zero Illiteracy Program ng lungsod.
“Nagbigay na po ang Rotary ng first P500,000. Today, we’ll be turning over another P500,000 from Rotary District 3780,” sabi ni Herrera na dati ring naging presidente ng rotary.
Sa pagsisikap ng BH party list, naibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P3 milyong halaga ng AICS funds sa Quezon City government.
“Alam ko, maliit na bagay lang po ito, Mayor. But with your leadership, alam ko po, maraming-maraming mararating ang assistance na ito,” pahayag pa ni Herrera.
