Healthcare workers mga modern-day heroes– solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Marapat na ituring na mga bagong bayani ang lahat ng healthcare workers sa buong bansa na lumaban sa COVID-19 pandemic.

Ito ang sinabi ni Senador Christopher Bong Go, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan kung saan bilang parangal at sakripisyo ng mga HCWs ay panahon na ring ibigay ang kanilang Health Emergency Allowance (HEA).

“Sila po ang mga bayani sa panahon ng pandemya. Hindi natin mararating ito na nagbalik tayo sa normal kung hindi dahil sa kanilang sakripisyo,” giit ni Go na tinukoy ang sakripisyo ng mga HCWs na nagbuwis ng kanilang buhay.

Ibinahagi nito na sa isang pampublikong pagdinig na isinagawa noong Abril 2 ng Senate Committee on Health na kanyang pinamumunuan, ang talakayan ay nakasentro sa HEA na dati nang itinaguyod at pinagtibay bilang batas, na naglalayong tugunan ang mga pangangailangan ng mga healthcare workers sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Go ang kanyang apela sa mga kinauukulang ahensya na pabilisin ang pagpapalabas ng mga allowances para sa mga HCWs.

“Mula noon hanggang ngayon, hindi ako tumitigil sa pag-apela sa gobyerno na ibigay na ang pending na HEA sa mga kuwalipikadong HCWs,” aniya.

“Sa katunayan, kahit noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nag-privilege speech pa ako sa Senado upang kastiguhin ang mabagal na pagre-release ng dagdag na benepisyo sa HCWs tulad ng mga death benefits para sa mga nagbuwis ng buhay noon,” dagdag pa nito.

Noong nakaraang Kongreso, isa si Go sa mga may-akda at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng benepisyo at allowances sa mga healthcare worker sa panahon ng pandemya.

Aniya, kahit alisin ang State of Public Health Emergency sa bansa, patuloy itong umapela sa executive branch na i-release ang mga nakabinbing health emergency allowance na dapat bayaran sa mga kwalipikadong healthcare workers.

“Umapela tayong muli sa DOH at DBM na bilisan na ang pagre-release ng naturang HEA dahil services rendered na po ito. Ibig sabihin, utang po ito ng gobyerno sa mga HCWs,” giit nito.

Leave a comment