
Ni NERIO AGUAS
Tuluyang pinalayas sa Pilipinas ng Bureau of Immigration (BI) ang US national na dating karelasyon ng komedyanteng si Pokwang.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, lumipad sakay ng Philippine Airlines flight patungong San Francisco si Lee O’Brian noong Abril 8, 2024.
Matatandaang noong nakaraang taon, nagsampa ng deportation case ang Filipino comedian na si Marietta Subong, o mas kilala bilang Pokwang, laban sa dating partner dahil sa pagtatrabaho nang walang kaukulang permit.
Sa kanyang reklamo, iginiit ni Subong na nagtrabaho si O’Brian sa iba’t ibang kumpanya ng produksyon nang hindi kumukuha ng kinakailangang mga permit sa Department of Labor and Employment (DOLE) at BI.
Nakakita ng merito ang BI sa nasabing reklamo at inutusang i-deport si O’Brian noong Disyembre dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili.
Naghain si O’Brian ng motion for reconsideration ngunit ibinasura ito.
Bilang resulta ng kanyang deportasyon, ang kanyang pangalan ay kasama na sa BI blacklist kung saan hindi na muli itong makakapasok sa bansa.
