OFW party list nakiramay sa mga Pinoy na naapektuhan ng sunog sa UAE at Hong Kong

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati si OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa pamilya ng ilang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi at naapektuhan ng sunog sa United Arab Emirates (UAE) at sa Hong Kong.

Ayon kay Magsino, nalulungkot ito sa sinapit ng mga OFW sa Sharjah District sa United Arab Emirates dahil sa sunog sa isang residential building at sa balitang sampu pa na OFWs at dalawang bata ang nadamay rin dito.

“Tayo’y nalulungkot din sa ating nabalitaan na pagkasugat ng dalawang OFWs sa sunog sa kanilang tirahan sa Kowloon District sa Hong Kong,” sabi ni Magsino.

Apela pa ng mambabatas na dapat agarang madama ng mga OFWs ang tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Sa ganitong mga pangyayari tayo’y umaasa sa mabilisang aksyon at tulong mula sa ating mga konsulado, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration, lalo na sa repatriation ng remains ng ating kababayang pumanaw sa Sharjah at sa pansamantalang matitirhan ng mga kababayang biktima ng dalawang sunog,” pahayag pa nito.

Ayon pa kay Magsino, handa ring magbigay ng tulong ang OFW party list sa mga apektadong Pinoy.

“Ang OFW Party List ay bukas din sa anumang tulong na kakailanganin ng ating mga naapektuhang OFWs at kanilang mga kapamilya,” sabi pa ni Magsino.

“Ating balutin ng dasal ang mga naging biktima ng pangyayari at ipanalangin ang patuloy na kaligtasan ng mga kababayang nagtatrabaho sa ibayong dagat,” dagdag pa nito.

Leave a comment