Pagpasa sa Eddie Garcia bill inaasahang magiging batas bago ang sine die ng Kongreso — Estrada

Ni NOEL ABUEL

Optimistiko si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na maipapasa ang panukalang batas na magpoprotekta sa kapakanan ng mga manggagawang nasa industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa bago mag-adjourn ang Kongreso.

Sa pagpapatibay kamakailan ng Kamara sa bersyon ng Senado ng panukalang Eddie Garcia Law, na magwawakas sa mga deliberasyon ng bicameral conference, sinabi ni Estrada, na siyang nagsusulong ng panukala at maaari nang ipadala sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo.

“For the hardworking, creative, passionate, and dedicated individuals working tirelessly to entertain us, whether on the big screen and TV, this is a long-awaited and much-deserved remuneration,” sabi ni Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.

Ipinangalan sa yumaong beteranong aktor na si Eddie Garcia, na itinuturing na “pinakamahusay na aktor sa lahat ng panahon” na namatay matapos maaksidente habang nasa set s noong 2019, ang panukala ay nagpapataw ng mahigpit na pagpapatupad ng walong oras na pagtatrabaho hanggang sa maximum na 14 na oras, o kabuuang 60 oras sa isang linggo.

Gayundin, nagbibigay ito ng insurance coverage sa mga manggagawa kung sakaling maaksidente o mamatay sa panahon ng paggawa ng pelikula o TV, ang karapatan sa self-organization at collective bargaining, at proteksyon mula sa karahasan, panliligalig, o anumang pagkilos na nagpapababa sa mga manggagawa.

Ang mga employers ay dapat ding magbigay ng employment contracts, transportation expenses, social security, at welfare benefits upang matiyak ang mas magandang kondisyon at pamantayan sa pagtatrabaho.

Ang Movie and Television Industry Tripartite Council ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa pamahalaan, employers at industry workers upang magsilbing channel para sa tripartite na pagpapayo at konsultasyon sa mga patakaran at programa ayon sa Labor Code ng bansa.

“Umaasa tayo na mapipirmahan ito at magiging ganap nang batas sa lalong madaling panahon. Katuparan ito ng matagal nang inaasam na proteksyon sa kapakanan at karapatan ng mga TV and movie industry workers. This is our tribute not just to ‘Manoy’ Eddie Garcia but also to the industry’s dedicated workers. His death will not be in vain,” paghayag pa ni Estrada.

Leave a comment