
Ni NERIO AGUAS
Nagsagawa ng pagpupulong ang Regional Operations Cluster ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang patuloy na palakasin ang mga inilatag na plano at makamit ang mga target na programa at serbisyo sa lokal na antas.
Pinangunahan nina DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma at Undersecretary Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr., ang second quarter meeting na dinaluhan ng lahat ng regional directors at bureau heads sa Ichikawa Hall ng Occupational Health and Safety Center noong Abril 4, 2024.
Prayoridad sa agenda ng pulong ang posibleng repormulasyon ng mga target na napagkasunduang panatilihin batay sa 2024 General Appropriations Act para sa mga malalaking proyekto para sa unang semestre ng taong kasalukuyan.
Itinampok din sa pulong ang mga alituntunin at plano sa paglulunsad ng Adjustment Measures Program for Workers and Enterprises at ang pagsasapinal ng “manual” nito.
Tinalakay rin ang “restructuring proposal on internal human resources” sa pamamagitan ng rasyonalisasyon ng mga kawani ng DOLE, ang Management Development Program para sa pagsasanay ng mga susunod na mamumuno, at ang binagong DOLE PRAISE guidelines.
Samantala, tinalakay rin ang “artificial intelligence hackathon” ng DOLE, at ang mga ginagawang paghahanda para sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon at ang nalalapit na National Employment Summit.
