Digital transformation ng sektor ng edukasyon iginiit ng senador

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Bunsod ng patuloy na pagpapatupad ng blended learning sa gitna ng matinding init, muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa digital transformation ng sektor ng edukasyon, bagay na aniya’y makatutulong din sa kahandaan ng mga guro na magpatupad ng remote learning.

“Kailangang paghandaan natin ang posibleng mas mainit pang panahon sa mga susunod na taon lalo na’t patuloy ang climate change at global warming,” ani Gatchalian sa inihain nito ngayong 19th Congress na Digital Transformation of Basic Education Act o ang Senate Bill No. 383.

Maliban sa pagpapabilis ng paglalagay at activation ng libreng public Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan, imamandato ng naturang panukala sa Department of Education (DepEd) na paigtingin ang kahandaan ng mga paaralan sa information and communications technology (ICT) upang magpatupad ng distance learning.

“Hindi lang sa gitna ng matinding init natin kailangang mapahusay ang digitalisasyon, kailangang tiyakin nating magpapatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa mga panahong humaharap tayo sa mga sakuna o anumang emergency situation sa bansa,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Nakasaad din sa naturang panukala na imamandato sa Department of Science and Technology (DOST) ang pagtulong sa DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagsulong sa agham, teknolohiya, at inobasyon.

Ito ay upang paigtingin ang pag-aaral at pagtuturo at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution.

Ipinag-utos ng DepEd kamakailan ang pagpapatupad ng asynchronous classes sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa Abril 15-16.

Muli ring binigyang diin ng DepEd ang mga pamantayan sa DepEd Order No. 037 series of 2022, kung saan nakasaad na sa kaso ng matinding init at iba pang mga kalamidad, maaaring magsuspende ang mga punong-guro ng klase at ipag-utos ang pagpapatupad ng remote learning

Ang iba pang mga panukala ni Gatchalian upang isulong ang digitalization sa sektor ng edukasyon ay ang Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478), at ang One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).

Leave a comment