4 Pinoy seafarers kasamang kinuha

Ni NOEL ABUEL
Mariing kinondena ng ilang kongresista ang nangyaring pag-hijack sa Portuguese cargo ship na MSC Aries sa Strait of Hormuz na may Filipino seafarers kung saan apat na Pinoy seafarers ang kabilang sa mga tripulante.
Sinabi ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na muli itong nananawagan sa United Nations (UN) partikular sa Security Council, na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga rutang ito na siyang nakalaang baybayin sa pandaigdigang pangkalakalan.
“Pang-ilang pag-atake na ito sa mga barkong lulan ang mga Pilipinong Marino. Sa geopolitical tensions na bumabalot sa mga daluyan ng shipping vessels, ang pagiging marino’y tila isang mapanganib na propesyon na sa panahon,” ayon pa sa mambabatas.
“Sila’y nagiging collateral damage sa mga kaguluhang sumisiklab sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kaya’t dapat lamang na ang kapakanan at seguridad ng Filipino seafarers ay lalong paigtingin ng ating pamahalaan,” dagdag nito.
Umaasa si Magsino na dapat umusad na ang pagpasa ng Magna Carta for Seafarers kung saan nakapaloob ang pananagutan ng ship owners sakaling may kapabayaan sa paglalakbay sa mga itinuturing na high risk areas.
“Inuulit din natin ang dating panawagan sa United Nations (UN), lalo na Security Council, na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga rutang ito na siyang nakalaang baybayin sa pandaigdigang pangkalakalan. Napapadalas at mas mapangahas ang mga nagiging pag-atake. At malamang, hindi ito ang huling insidente kaya’t hindi dapat ito ipagsawalang-kibo ng UN,” giit ng kongresista.
Tiniyak pa ni Magsino sa pamilya ng mga Pinoy seafarers na tutukan ng OFW party list ang kaso at makikipag-ugnayan sa gobyerno upang mabigyan ng agarang tulong.
“Sa mga kapamilya ng mga biktima ng Pilipinong marino, kasama ninyo ang OFW party list sa matimtimang pagdarasal para sa kanilang kaligtasan. Kami ay tututok at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng agarang aksyon ang insidenteng ito at ligtas ninyong makapiling muli ang inyong mga kapamilyang seafarers,” pahayag pa ni Magsino.
Ganito rin ang pahayag ni Kabayan party list Rep. Ron P. Salo na nagsabing nababahala ito sa ginawa ng Iranian authorities na nasa likod ng pag-hijack.
“I commend the swift response of the Department of Migrant Workers (DMW), in coordination with the Office of the President, the Department of Foreign Affairs (DFA), and the concerned licensed manning agencies. They have all worked diligently to reassure the families of the affected seafarers and for coordinating efforts aimed at securing their safe release,” ani Salo.
