Wanted na Chinese national naharang ng BI

Ang Chinese national na wanted ng Interpol habang inieskortan pabalik sa Hong Kong.

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa bansa nito makaraang tangkaing lumusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Li Mingzhu, 32-anyos, na dumating sa bansa noong Abril 12 sakay ng Cebu Pacific flight mula sa Hong Kong.

Sa record, si Li ay wanted dahil sa voice phishing fraud at nakapaloob sa Interpol Red Notice.

Base sa impormasyon ng BI, naglagay si Li ng 31 mobile phones na may call masking functions sa sasakyan nito upang isagawa ang voice phishing scheme.

Nangyari ang krimen sa South Korea kung kaya’t noong Abril 2023 ay naglabas ng arrest warrant ang Suwon District Prosecutor’s Office sa Korea laban kay Li dahil sa paglabag sa Telecommunications Business act.

Binigyan-diin ni Tansingco ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagpigil sa mga ganitong krimen.

“This case underscores the necessity of international cooperation in combating transnational crimes like voice phishing,” aniya.

Inilagay ang pangalan ni Li sa BI blacklist order upang hindi na tuluyang makapasok sa bansa at agad namang pinabalik sa Hong Kong.

“We remain vigilant in our efforts to prevent individuals involved in fraudulent activities from entering our country. The BI is committed to upholding the integrity of our borders and protecting the public from such criminal elements,” sabi ni Tansingco.

Leave a comment