
Dapat na kumilos ang kinauukulang ahensya ng pamahalaan laban sa mga negosyanteng nagpapabaya sa kanilang tungkulin at nagpapahirap sa mga consumers.
Nasabi natin ito dahil sa hindi natin inakala na maliban sa Metro Manila na minsan ay mahina ang supply ng tubig sa kanilang mga gripo ay nagrereklamo na ang marami, pero nakakagulat ang nangyayari dito sa lalawigan ng Cavite.
Minsan tayong dumalaw sa ating kaibigan na nakatira dito sa Paliparan site sa Dasmarinas City, Cavite at dito nasaksihan natin ang matagal nang pinoproblema ng mga residente nito ang kawalan ng supply ng tubig na tumatagal ng halos isang linggo.
Nang usisain natin ang mga nagrereklamong residente ng nasabing lugar ay itinuro ng mga ito ito ang kumpanyang Primewater Infrastructure Corp. na humahawak ng supply ng tubig sa libu-libong pamilya sa Paliparan 1, II, III, IV at V San Marino at sa iba pang barangay sa Dasmarinas, Cavite.
Nauunawaan natin ang sentimiyento ng mga residente na hirap na hirap sa supply ng tubig dahil batid natin na mahalaga at araw-araw na ginagamit natin ang tubig.
Kaya tinatawagan natin ng pansin ang National Water Resources Board (NWRB) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bigyan ng solusyon ang problema ng mga apektadong pamilya sa Cavite.
Batid natin na nararanasan natin ang El Nino at maraming lugar ang walang sapat na supply ng tubig ngunit hindi naman katanggap-tanggap na ang mga kabahayan ay walang supply ng tubig ng ilang araw.
Sa social media sa Facebook makikita ang mga apela at panawagan ng mga residente sa Primewater Corp. subalit mistulang bingi ito sa hinaing.
Handa ring dumulog sa Senado ang mga apektadong pamilya para imbestigahan ang kapalpakan ng kumpanyang Primewater sa dapat na maayos na serbisyo nito sa taumbayan.
Ano itong ating narinig laban sa opisina ng PAGIBIG Fund diyan sa Paseo de Roxas, Makati City na naaktuhang half day ang trabaho.
Ang sumbong na nakarating sa ating kaalaman, isang ginang ang nagtungo sa nasabing usapin noong nakalipas na linggo upang isaayos ang ilang papeles nito noong Disyembre 2023.
Laking gulat na lamang ng nasabing ginang nang dumating ito bago magtanghali ay tigil na sa serbisyo ang mga empleyado ng PAGIBIG FUND office sa Makati kahit wala namang dahilan o okasyon noong araw na iyon.
Enero 17, 2024 nang muling magbalik ang ginang sa PAGIBIG office (Gaya ng nasa larawan) at laking gulat na lamang na parehong sitwayon ang nakita nito na walang transaksyon na nangyayari sa nasabing opisina.

Hindi naman daw holiday at walang okasyon. Oo nga, holiday nga eh di walang pasok sa opisina.
Ang siste batid natin na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang oras ng trabaho sa lahat na tanggapan ng pamahalaan kabilang ang PAGIBIG Fund at wala ring noon break na ipinatutupad.
****
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
