Maynilad dapat managot sa “sinkhole” — Sen. Revilla

Ni NOEL ABUEL

“Dapat managot ang Maynilad at mga kontraktor nito.”

Ito ang pahayag ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr., chairman ng Senate Committee on Public Works makaraang biglang magkaroon ng isang malaking butas sa gitna ng Sales Road sa Pasay City noong nakaraang Linggo (Abril 14).

Ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang naturang “sinkhole” ay sanhi ng tagas mula sa water pipeline ng Maynilad Water Services, Inc.

Ang bukana ng sinkhole ay may sukat na 2 meters by 3 meters ngunit ang loob ng butas ay higit na mas malawak kumpara sa bukana na may lalim na 8 hanggang 10 talampakan.

“Dapat mapanagot ang Maynilad at ang mga contractors nila dito! This poses great danger lalo na sa mga motorista, at kung di agad nakita at napabayaan, baka pati sa mga residential properties at buildings sa area. Kung makikita ninyo nga ‘yung butas, malapit na siya sa pundasyon ng NAIAX elevated highway. Nakakatakot ang posibleng epekto nito kung sakali,” paliwanag ni Revilla.

Binigyan diin ni Revilla na dapat managot ang nabanggit na water concessionaire upang higit itong maging responsable sa magiging epekto ng kanilang ibinibigay na sebisyo.

Marami na ring reklamo laban sa Maynilad dahil sa pagniningil ng malaking halaga sa mga consumers bagama’t hindi kasalanan ang pagkasira ng mga tubo na nakabaon sa ilalim ng lupa at tumatagas.

“Hindi pwedeng hayaan lang na ire-repair tapos wala na. Hindi ‘yon accountability. Dapat may managot para magsilbing daan ito para mas maging proactive ang mga service providers sa mga projects nila, hindi lang basta reactive kapag may problema na. Ilang beses na tayo nakakatanggap ng report na may pumutok na pipe sa ganito, minsan nagdudulot pa ng baha at nakakaabala. Dapat bago pa lang magkaroon ng leak, na-check na. Tuluy-tuloy dapat ang inspection at maintenance,” ayon pa kay Revilla.

Samantala, tiniyak ng DPWH ngayong araw na handa nitong ayusin ang ‘sinkhole’ na lumalabas na epekto ng hindi maayos na pagretoke sa naturang proyekto.

Leave a comment