
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Robinhood “Robin” Padilla na walang ibang dapat na magbigay ng mga haka-haka sa gentleman’s agreement na umano’y pinasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China.
Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Padilla na tanging ang dating Pangulo at si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dapat na mag-usap dahil may kinalaman sa national security ang usapin at hindi na kailangan pang malaman ng publiko.
“Di na lahat ng bagay kailangang paalam sa taumbayan ang national security. Siguro mag-usap ang dalawang president at gumawa ng statement pareho para unity ang makita natin. Sa oras na ito kailangang makita natin na united ang Filipinos at hindi divided,” sabi nito.
Giit ni Padilla, hindi rin ito naniniwala sa pahayag ng China na may kasunduan na pinasok si Duterte para isuko ang bahagi ng West Philippine Sea.
“Imposibleng may sinurender. Top secret pelikula, pinuntahan ko doon ang pinapuntahan ko sa WPS papakita ‘yan na walang binitawan na teritoryo ang ating FPRRD. Kasi ‘yan ang misyon ko noon. Papaano sasabihin na nag-surrender tayo, ang mission ko noon ay palakasin ang loob ng mga tao sa islang ‘yan,” sabi ng senador.
“Alam ko kasi may pagkakataon ang dalawang Pangulo na mag-usap. ‘Yan ang ginawa ni PRRD nang umupo siya, pinatawag niya ang dating presidente at tinanong ang PWS. Siguro ‘yan pwedeng gawin ni PBBM, patawag si FPRRD, lalo na kung may kinalaman sa ating kasarinlan,” aniya.
Tutol din ang senador na humarap sa anumang pagdinig ng Senado si Duterte at tanging si Pangulong Marcos at ang huli ang kailangan na mag-usap sa nasabing usapin.
Sinabi pa ni Padilla na minsan na rin nitong inirekomenda ang paglalagay ng militia sa WPS subalit may humarang sa panukala nito.
“Hindi lang tayo pinayagan ng isang colonel na magtayo ng militia, ‘yan ang balak natin pero kinontra ng Philippine Army colonel. So papaano sasabihing nag-surrender si PRRD?” tanong pa ni Padilla.
