
Ni NOEL ABUEL
Nagbabala ang isang kongresista kay dating House Speaker at ngayo’y Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na posibleng maharap sa pagsisiyasat ng House Committee on Ethics.
Ito ay dahil sa kanyang panawagan kamakailan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo, dapat ding mag-ingat si Alvarez sa bibitawang salita dahil ang kanyang mga kamakailang pahayag ay tila bumubuo ng pag-uugaling hindi nararapat na maging miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“I would kindly urge the former speaker to be cautious with his words and clear on his intent. At face value, his anti-government statements are unbecoming of a member of the House of Representatives and may warrant an ethics case against him,” sabi ni Dimaporo.
Sa isang political rally ng mga die-hard Duterte supporters na ginanap sa Tagum City, Davao del Norte noong Linggo, nanawagan si Alvarez sa AFP na bawiin ang suporta kay Pangulong Marcos Jr. dahil sa polisiya nito na naglalagay sa mainit na tensyon sa China sa West Philippine Sea (WPS).
Nang tanungin kung maaaring kasuhan ng Department of Justice (DOJ) si Alvarez sa mga kasong sedisyon dahil sa kanyang mga pahayag kamakailan, sinabi ni Dimaporo na hindi na dapat bigyan ng malaking halaga ang dating speaker.
“As for the DOJ, it should be decided on by the Executive. But I don’t feel he should be given importance. Our country has other more pressing matters for the DOJ to attend to than the grumblings of a politician,” ani Dimaporo.
Nabatid na marami ang nagpahayag ng pananaw na ang mga pahayag ni Alvarez ay maaaring ituring na sedisyon.
