
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para sa isang mabilis at mapayapang resolusyon sa kamakailang pagkubkob ng Iranian authorities sa Portuguese-flagged container ship, na kinabibilangan ng apat na Pinoy seafarers.
Nagpahayag ng pagkabahala si Romualdez para sa kapakanan ng mga Filipino seafarers na sakay ng MSC Aries sa pag-agaw ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran noong Sabado ng umaga malapit sa Strait of Hormuz.
“In times of crisis, our foremost concern is the safety and security of our Filipino seafarers. We call for a peaceful resolution to swiftly resolve this distressing situation and ensure their prompt return home,” ayon kay Romualdez.
Binanggit ng pinuno ng Kamara ang mga pagsisikap ng Department of Migrant Workers (DMW), na kumikilos sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pagbibigay ng malawak na suporta at tulong ng pamahalaan sa mga pamilya ng mga marino.
Sinabi nito na ang DMW ay aktibong nakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang lisensiyadong manning agency, ship manager at operator upang mapadali ang pagpapalaya sa mga Filipino seafarers.
“The seizure of the MSC Aries deeply troubles us because it poses a potential threat to the safety of our Filipino seafarers. Ensuring their safety and well-being is the government’s utmost priority,” giit pa ng lider ng mahigit 300 kongresista.
Binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng internasyonal na pakikipagtulungan at ang agarang pangangailangan para sa isang mapayapang resolusyon.
“Now more than ever, global cooperation is essential to navigate through this challenging situation. We must work together towards a peaceful resolution to ensure the safety and well-being of all involved parties,” sabi pa nito.
Iniulat ng Iran’s state-run IRNA News Agency ang pagkuha sa MSC Aries ng IRGC’s Special Naval Force malapit sa Strait of Hormuz, dahil sa hinalang may kaugnayan ito sa Israel.
Kinumpirma ng operator ng barko ang pagkakasamsam at kasalukuyang nakikipagtulungan sa mga kinauukulang awtoridad upang matiyak ang kaligtasan at pagbabalik ng 25 tripulante nito, kabilang ang apat na Pilipino.
