Sinkhole inaayos na ng DPWH at MMDA

Ni NERIO AGUAS

Kasalukuyan nang isinasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bahagi ng Sales Road-eastbound sa Pasay City kung saan nakita ang malaking sinkhole.

Ayon sa MMDA, nananatiling sarado ang bahagi ng Sales Road-eastbound sa Pasay City habang isinasaayos ang malaking butas na nadiskubre sa kalsada.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na napalitan na ang nasirang tubo ng water concessionaire na Maynilad na pinanggalingan ng tumagas na tubig na naging sanhi ng sinkhole.

Nagsagawa rin ang DPWH ng assessment at testing ng lupa bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.

Sa kasalukuyan ay tinitibag ng DPWH at Maynilad Water Services Inc. ang kongkretong semento bago tambakan ulit ang butas na bahagi.

Bubuhusan umano ng semento ang malaking butas para matabunan at madaanan na ng mga motorista.

Target na mabuksan sa trapiko ang bahagi ng kalsada bukas ng hapon matapos ang curing period.

Pansamantalang nagbukas ang MMDA ng linya sa westbound ng Sales Road para magamit sa counterflow ng mga sasakyan na dumaraan sa lugar.

Leave a comment