Solon sa mga magulang: Pabakunahan ang anak vs pertussis

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Mariing nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga magulang na suportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno sa pagbabakuna sa kanilang mga anak laban sa pertussis, na karaniwang kilala bilang whooping cough, gayundin ng iba pang mga sakit.

Sa ambush interview noong Lunes, Abril 15, matapos dumalo sa Malasakit sa Kooperatiba event sa Sta. Cruz, Laguna, sinabi ni Go ang kritikal na katangian ng napapanahong pagbabakuna na pinadali ng pamahalaan lalo na sa mga bata.

“Mayroon pong vaccination drive ang ating gobyerno. Hinihikayat ko po ang mga parents na magpabakuna. Libre naman po ito mula sa Department of Health, para mas protektado po ang ating mga anak,” sabi nito.

Iminungkahi rin ng senador ang mga pangmatagalang estratehiya para mapahusay ang kahandaan at pagtugon ng bansa sa mga nakakahawang sakit.

Kabilang dito ang pagpapabuti ng health infrastructure, pagpapataas ng mga kampanya ng pampublikong kamalayan sa pagbabakuna, at pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga healthcare providers at mga komunidad.

“Napakahalaga na maunawaan natin na ang pertussis ay isang sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna. Kasama naman ito sa mandatory vaccination program ng gobyerno na dapat maimplementa nang maayos ng mga ahensya para siguruhin na ang bawat isa, lalo na ang mga bata, ay protektado laban sa sakit,” pahayag pa ni Go.

Sinamantala rin ni Go ang pagkakataon na ulitin ang kahalagahan ng paghahangad ng domestic capability para sa produksyon ng bakuna sa pamamagitan ng iminungkahing Virology Science and Technology Institute.

Binigyan-diin nito ang kahalagahan ng pagpuntirya para sa mga pangmatagalang solusyon tulad ng self-sufficiency sa paggawa ng bakuna, lalo na sa panahon ng kakapusan ng supply sa buong mundo.

“Ngayon, moving forward, nag-file din po ako ng Senate Bill No. 196. Ito pong Virology Science and Technology Institute na sana po pagdating ng panahon, may kakayahan naman tayong mag-produce ng ating sariling bakuna. Napakaimportante po n’on,” paliwanag pa nito.

Ang kamakailang pagtaas ng mga kaso ng pertussis ay naalarma sa mga DoH officials kung saan mula Enero hanggang Marso 2024, 1,112 na kaso ng pertussis ang naiulat, na may humigit-kumulang 54 ang nasawi karamihan sa mga batang wala pang limang taong gulang.

Leave a comment