
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo ang desisyon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na iimbestigahan si dating Speaker Pantaleon Alvarez para sa kanyang “seditious statement” sa panawagan sa militar na bawiin ang suporta sa administrasyong Marcos.
Sinabi ni Romualdo na ang pahayag ni Alvarez na ang kanyang panawagan ay bahagi ng kanyang kalayaan sa pagsasalita ay isang palusot lamang, isang dahilan para makaiwas sa pag-uusig.
“Huwag na po tayong magpalusot. The former speaker very well knows that free speech is not absolute. One cannot make a seditious call or a libelous statement without facing the consequences,” aniya.
Ang mambabatas ng Camiguin ang humiling sa DOJ noong Lunes na tingnan ang mga sinabi ni Alvarez sa isang rally sa Tagum City.
Sinabi ni Remulla na tutukuyin ng kanyang departamento kung ang panawagan ng dating pinuno ng Kamara sa militar na bawiin ang suporta mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang pilitin ang huli na bumaba sa puwesto ay umabot sa antas ng sedisyon, inciting to sedition o maging rebellion.
“As a former lawmaker myself, I would like to remind Congressman Alvarez to act in accordance [with] the highest standards of ethics, morality and nationalism, and avoid remarks unbecoming of a member of the House of Representatives,” sa pahayag ni Remulla.
Sinabi ni Romualdo na hindi magiging mahirap para sa DOJ na suriin ang mga pahayag ni Alvarez.
“There is ample evidence, including a recording of the remarks. In fact, there is now an admission from the former speaker. There is a defense-excuse-palusot as well,” ayon pa dito.
Iminungkahi nito na maglabas na ng show-cause order ang DOJ laban kay Alvarez.
