
Ni NOEL ABUEL
Umapela si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na palawigin pa ang multilateral joint military exercises sa pagitang Estados Unidos at ng Pilipinas.
Kasabay nito, nanawagan din si Romualdez ng dagdag na US foreign military financing (FMF) at pagtanggap sa Philippines Enhanced Resilience Act of 2024 (PERA Act) kasunod ng pagpupulong ng mga U.S. lawmakers tulad ni Sen. William Francis Hagerty ng Tennessee.
Ginawa nito ang panukala sa panahon ng kanyang pakikipag-ugnayan sa mga mambabatas ng U.S., kabilang sina Hagerty, Sen. Christopher Van Hollen ng Maryland, Rep. Gary Palmer ng Alabama, at iba pang opisyal ng U.S. mula Abril 16, 17 at 18 upang itaguyod ang pambansang depensa at kooperasyong panseguridad sa rehiyon.
Binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng pinalawak na multilateral joint military exercises sa Pilipinas hindi lamang para pahusayin ang diskarte sa depensa nito kundi para pasiglahin ang mas matibay na ugnayan sa iba pang mga kaalyado at tinitiyak ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
“These exercises have shown their significant importance in boosting our tactical and operational prowess. With this program, we can improve stability, security, and peace in the Asia-Pacific region and better safeguard our nation,” ayon pa kay Romualdez.
Ipinanukala ni Romualdez ang dagdag na United States foreign military financing (FMF) sa Pilipinas mula sa USD40 million.
“Given the strength of our alliance, the complexity of our evolving challenges, and our expanding engagements, I hope you will agree that the FMF also needs an increase,” ani Romualdez.
Nagpasalamat din ito kay Hagerty at Sen. Tim Kaine ng Virginia, para sa pagpapasok sa US Senate ng PERA ng 2024, isang panukalang batas na naghahanap ng USD500 milyon kada taon sa FMF para sa Pilipinas mula 2025 hanggang 2029, o kabuuang USD2.5 bilyon sa loob ng limang taon.
