
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong US nationals na pawang nahatulan bilang mga sex offenders nang tangkaing makapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na hiwalay na naharang ang mga pasahero sa Terminal 1 at 3 ng NAIA noong Abril 11 at 14 nang dumating bilang mga turista.
Kinilala ang unang US national na si Edgar Javier Manalansan, 74-anyos, na dumating noong Abril 11 sa NAIA Terminal 3 sakay ng Cathay Pacific flight mula Hong Kong.
Nabatid na ipinaalam ng US embassy sa BI na si Manalansan ay nahatulan sa isang korte sa Illinois sa kasong aggravated sexual assault sa isang 60-anyos na ginang.
Samantala, sa nasabi ring araw ay naharang din si Jose Gonzalez Jr., 64-anyos, NAIA Terminal 1 makaraang dumating sakay ng Philippine Airlines flight mula New York.
Sinabi ng gobyerno ng US na si Gonzalez ay nasa listahan ng American’s most wanted mula noong 2015 dahil sa ilang serye ng mga kriminal na kaso, kabilang ang cocaine possession, pagnanakaw, grand larceny, load weapon possession, kidnapping, at dalawang kaso ng panggagahasa sa first degree.
Habang noong Abril 14, naharang din ng BI officers sa NAIA Terminal 1 ang 46-anyos na si Daniel Nevarez na dumating sakay ng United Airlines flight mula Guam.
Si Nevarez, ayon sa US government, ay nahatulan ng US court noong 2013 sa 7 kaso ng krimen mula sa lewd and lascivious acts laban sa mga menor-de-edad na kabataan na may edad 14 at 15-anyos.
“They were denied entry after our officers saw that they were put on our alert list for being registered sex offenders in the US, thus they are deemed as excludable aliens under our immigration act which prohibits the entry of aliens convicted of crimes involving moral turpitude,” sabi ni Tansingco.
Dagdag pa nito, agad na pinabalik ang nasabing mga dayuhan at sumakay sa unang available na flight patungo sa kanilang port of origin.
“I have also directed that they be included in our blacklist and banned from entering the country,” ayon pa kay Tansingco.
