


Ni NOEL ABUEL
Upang matiyak ang ganap na kahandaan sa pagtugon sa mga medical emergencies, sinanay ng mga tauhan ng HRep Medical and Dental Service (MDS) ang mga kawani ng Kamara sa basic life support (BLS).
“Emergencies can occur anytime, anywhere,” ito ang pahayag ni MDS SLSO III Dr. Michael Bautista, at idinagdag na ang kaalaman sa BLS ang magbibigay ng kaibahan sa pagitan ng buhay at kamatayan ng isang tao.
Ang pagsasanay ay ikalawang sesyon sa naturang paksa. Ang unang sesyon ay isinagawa noong Lunes.
Ang layunin nito ayon kay Bautista, ay sanayin ang mas maraming secretariat staff hangga’t maaari, “so that marami sa atin or majority of our employees will be prepared in case kailangan nating mag-provide nitong BLS cardiac support,” hanggang sa makarating ang tulong medikal.
Apat na mga dalubhasa mula sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) ang nagsagawa, at tumalakay sa mga proseso ng basic life savings sakaling may nakaranas ng atake sa puso.
“Alam naman po natin that in the Philippines the number one cause of sickness is cardiovascular disease,” ayon sa nurse na si Rosman Espeleta.
Binanggit nito ang panganib ng mga sakuna na maaaring maranasan ng bansa, dahil ang Pilipinas ay sakop ng Pacific Ring of Fire.
Kaugnay nito, idinaos ang mga pagsasanay sa standard first aid, mass casualty management, incident command system, gayundin ang emergency response, o ang tinatawag na “hero training.”
Samantala, ipinakita ni Kevin Lance Hangor, isa ring nurse kung papaano ginagawa ang isang cardiopulmonary resuscitation (CPR), habang tinalakay naman ni Jenny Rose Ramos ang Rescue Breathing due to Respiratory Arrest at Foreign Body Airway Obstruction (FBAO).
Muling magsasagawa ang MDS ng isa pang pagsasanay sa BLS sa ngayong araw ng Huwebes, kung saan ang mga kalahok ay magkakaroon ng pagkakataon na maipakita ang kanilang mga napag-aralan at natutunan mula sa mga sesyon, at makatanggap ng mga sertipiko.
Ang mga facilitators ay mga dalubhasa sa pagsasanay sa BLS ng non-professional rescuers, at magbibigay ng pagkakataong makapagligtas ng tao na nakaranas ng biglaang atake sa puso.
“This is a training that we hope we will never have to use. However, if the need arises, it is best that we are equipped and knowledgeable of what we have do in such emergencies,” pahayag ni Bautista.
