DOE, NGCP at generation companies kailangang kumilos vs brownout — Sen. Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Raffy Tulfo sa mababang supply ng kuryente para matugunan ang pangangailangan ng mga consumers sa Luzon at Visayas areas.

Ang pahayag ng chairman ng Senate Committee on Energy, ay kasunod ng pahayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na isailalim ang Luzon at Visayas Grids sa red at yellow alerts simula Abril 16 dahil sa ang 30 power plants ay offline o nasa reduced capacity.

“Ang nasabing alert levels ay nakakabahala gayong una nang nagbigay ng pahayag si Department of Energy (DOE) Undersecretary Felix Fuentebella noong Pebrero na mayroong sapat na power supply sa bansa sa panahon ng El Niño. Dagdag pa ng DOE, wala umano silang nakikitang power supply issues sa mga susunod na buwan,” giit ni Tulfo.

Nabatid na ang Luzon at Visayas Grids ay inilagay sa red at yellow alerts dahil sa manipis na suplay ng kuryente kung saan ang 19 planta sa Luzon at 12 na planta sa Visayas ang nagkaroon ng forced outage kaya kinulang ang kuryente sa bansa.

Ibinaba naman sa yellow alert ang Luzon Grid samantalang nananatili sa yellow alert ang Visayas Grid ngayong araw, Abril 17.

“Nakikipag-uganayan na ako at ang aking opisina sa DOE at NGCP upang siguraduhin na ang mga kasalukuyan nating power plants ay maaasahan at hindi papalya, lalo pa ngayong napakainit ng panahon,” aniya.

Binigyang diin ng senador na dapat ay puspusan din ang monitoring ng DOE, NGCP at generation companies sa mga planta ng kuryente para maiwasan ang brownout na kalbaryo para sa mga consumer.

“Malaki ang nagiging masamang epekto ng pagkawala ng kuryente lalo na sa kalusugan at ekonomiya ng ating mga kababayan. Kaya kapag nagkaroon ng malawakang brownout sa bansa, ang mga consumers ang magdurusa at kawawa,” saad niya.

Ayon sa DOE, nakikipag-ugnayan na ito sa NGCP at mga generation companies para maiwasan ang brownout sa bansa.

Nagbigay rin ng kautusan ang DOE sa mga distribution utilities at mga electric cooperatives na magpatupad ng mga interruptible load program.

Ito ay kung saan ang mga malalaking establisimiyento tulad ng mga pabrika at malls ay gagamit ng sariling generator para mabawasan ang gumagamit ng kuryente mula sa grid.

Leave a comment