Foreign students sa bansa maaari pa ring siyasatin — BI

BI Commissioner Norman Tansingco

Ni NERIO AGUAS

Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na ang mga dayuhan sa Pilipinas na may hawak na student visa ay maaari pa ring isailalim sa government intelligence investigation kung mapapatunayang nagsasagawa ng mga ilegal na aktibidad.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ayon sa batas, ang mga dayuhan na nakakuha ng kanilang student visa ay maaaring sumailalim sa mga pagsusuri ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa mga aktibidad ng mga ito sa posibilidad na lumalabag sa seguridad ng estado.

Ayon pa kay Tansingco na sa naturang batas gaya ng Executive Order No. 285, s. 2000, na nagtatag ng inter-agency committee sa mga dayuhang estudyante na pinamumunuan ng Commission on Higher Education (CHED), NBI, NICA, Department of Foreign Affairs (DFA), and Department of Education (DepEd) at ng BI.

Sa nasabing batas, nilinaw ni Tansingco na ang BI ay maaari lamang mag-isyu ng student visa sa mga foreign national na inendorso ng mga lehitimong paaralan at ng CHED.

Idinagdag nito na ang lahat ng mga paaralan na tumatanggap ng mga dayuhan bilang mga mag-aaral ay kinakailangang magsumite ng kanilang mga regular na ulat sa BI kung sumusunod sa visa compliance at ang CHED ang titiyak sa pagsunod sa mga patakarang may kaugnayan sa edukasyon, at ang NICA na magsasagawa ng mga pagsisiyasat sa mga kahina-hinalang aktibidad.

Ibinahagi ni Tansingco na para sa 2023, kabuuang 1,516 na Chinese nationals ang nabigyan ng student visa sa Cagayan, lahat ay inendorso ng isang pangunahing unibersidad sa Pilipinas.

Gayunpaman, ang mga ulat na natanggap ay nagpapakita lamang ng higit sa 400 Chinese nationals ang on-site, dahil ang paaralan ay sinasabing nagpapatupad ng distance learning.

Sinabi ng opisyal na ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral ay maaaring maiugnay sa post-pandemic rebound, gayundin ang agresibong marketing ng mga paaralan at ahensya ng gobyerno upang palakasin ang educational tourism ng bansa.

Sinabi ni Tansingco na ang mga aksyon ng mga dayuhang estudyante ay maaaring tingnan ng mga intelligence agencies dahil ito ay nasa loob ng kanilang mandato at kinakailangan sa pagtiyak ng pambansang seguridad.

“The national government has actively promoted the country as an education hub in Asia. We hope that these concerns do not scare away legitimate students whose stay in the country could greatly help re-boost our economy,” sabi ni Tansingco.

Leave a comment