MMDA enforcers tinangkang sagasaan ng sinitang motorcycle rider sa EDSA

Ni JOY MADELEINE

Sinisiguro ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na papatawan ng mabigat na parusa ang isang motorcycle rider na nagtangkang tumakas at sagasaan ang ilang traffic enforcers na humuli dito.

Sa social media post ng MMDA, sinabi nitong mas mabigat na parusa ang kakaharapin ng rider ng motorcycle ride-hailing service dahil sa tangka nitong pagtakas ay halos sagasaan ang mga traffic enforcers na humuli sa kanya dahil sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy.

Nabatid na na-flag down ng MMDA Special Operations Group-Strike Force ang rider na may sakay na pasahero sa EDSA-Cubao northbound dakong alas-8:30 ng umaga.

Sa halip na huminto para mabigyan ng violation ticket, hinarurot ng rider ang kanyang motor kung saan sinubukan ng tatlong traffic enforcers na pigilan ang rider sa kanyang pagtakas.

Ngunit nagmatigas ang driver ng motorsiklo na tumigil hanggang sa mapalibutan ng ilang enforcers ng MMDA.

Sa utos ni MMDA Acting Chairman Atty. Artes, magsusumite ang ahensiya ng report sa ride-hailing app na kanyang pinapasukan at maghahain ng reklamo sa Land Transportation Office (LTO) kasabay ng paghiling na kanselahin ang kanyang lisensya.

Patung-patong din na criminal charges ang planong isampa ng ahensiya laban sa rider.

Ang rider ay tuluyang natikitan sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy at reckless driving.

Leave a comment