
Ni NERIO AGUAS
Nakatakda nang ipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang wanted na Chinese nationals na nahuli sa magkahiwalay na operasyon sa Metro Manila at Cebu.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga nahuling dayuhan na sina Zhu Yuanjiang, 25-anyos at Ma MIngjie, 51-anyos, na naaresto noong nakaraang linggo sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng fugitive search unit (FSU) ng BI.
Nabatid na si Zhu ay nadakip noong Abril 17 sa Bgy, Umapad, Mandaue City habang si Ma ay nadakip noong Abril 19 sa isang subdibisyon sa Parañaque City.
Sinabi ni Tansingco na si Zhu ay hinuli sa bisa ng warrant of deportation na inilabas ng BI board of commissioners noong nakaraang taon.
Natuklasan na si Zhu ay illegal na nagtatrabaho sa Xinchuang Network Technology Inc., isang online gaming hub sa Pasay City, na sinalakay ng mga awtoridad noong buwan ng Hunyo dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kriminalidad kabilang ang human trafficking at cyber fraud.
Sa kabilang banda si Ma ay hinuli dahil sa pagiging wanted fugitive sa China dahil sa contract fraud.
Naglabas ng warrant of arrest ang Jiangbei district sub-bureau ang Public Security Bueau sa Chongqing, China noong Disyembre 6, 2017.
Inakusahan ng China na sina Ma at ang kanyang mga kasamahan na sadyang pinakialaman ang mga bank account at mga pangalan ng account ng isang point of sale (POS) machine merchant na nagresulta sa hindi awtorisadong paglilipat ng mahigit 58 milyong yuan, o higit sa US$8 milyon mula sa China Minsheng Banking Corporation sa kanyang binagong bank account.
Ang dalawang Chinese nationals ay kasalukuyang nakadetine sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng kanilang bansa.
