Agarang tulong sa mga biktima ng kalamidad iginiit

Senador Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano na mabigyan ng agarang tulong ang mga pamilyang nawalan ng kanilang ari-arian at kabuhayan dahil sa kalamidad.

Ayon kay Cayetano, dapat makatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga indibidwal na apektado ng likas o gawang-tao na mga kalamidad tulad ng baha, bagyo, sunog, o lindol.

“This measure proposes to strengthen the 4Ps [Pantawid Pamilyang Pilipino Program] Law to aid our kababayan placed in unfortunate situations without their fault, such as in disasters,” aniya sa kanyang explanatory note sa Senate Bill No. 302 o 4Ps for Disaster Victims Act.

Pormal nitong inihain ang panukala noong Hulyo 18 ng nakaraang taon at ngayong araw, (Martes), pag-uusapan ng Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development ang panukala.

Kaugnay nito, kinakailangan na magbigay ang DSWD ng agarang tulong sa mga biktima ng sakuna na nawalan ng ari-arian o kabuhayan.

“Ang DSWD, bibigyan ng immediate financial assistance ang mga pamilyang apektado ng bagyo, lindol, or whatever natural calamity. Then within 15 to 30 days ia-assess y’ung economic status ng pamilya,” sabi ni Cayetano.

Sa ilalim ng panukala, agad na maipapatala sa programa ng 4Ps ang mga biktima at tatanggap ng buong benepisyo.

Agad ding maging benepisyaryo at makatanggap ng kumpletong benepisyo sa loob ng isang taon ang mga indibidwal na naapektuhan din ang ari-arian ngunit hindi gaano naghirap.

Binigyan-diin din ni Cayetano na maaari pang mas magamit ng gobyerno ang mga umiiral na programa tulad ng 4Ps upang agarang makatanggap ng tulong ang mga biktima ng kalamidad.

Leave a comment