Pagbaba ng presyo ng bigas malabo sa AO 20 – Sen. Marcos

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagdududa si Senador Imee Marcos na may maitutulong ang inilabas na Administrative Order 20 ng Malacanang para maibaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Ayon kay Marcos, hindi dapat umaasa ang publiko na agad-agad na mararamdaman ng taumbayan ang epekto ng AO20 sa presyo ng bigas sa kadahilanang huli na ang lahat dahil sa tapos nang umani ng mga magsasaka.

“Baka inaakala na agad-agad na babagsak ang presyo, hindi naman eepekto ‘yan sa presyo ng bigas, maganda naman ang effort ng AO 20 dahil ang minimithi nito ay ibaba ang presyo ng bigas at ng pagkain. Ngunit sa palagay ko sa pangunahing bilihin tulad ng bigas, baka hindi ito makatulong masyado dahil alam natin ‘yung imported ay mataas na ang presyo na, whether well milled o broken, ay talagang record breaking, pati Thai rice, Vietnam rice,” sa ambush interview ng mga mamamahayag.

“So ‘yung sa rice hindi ito makatutulong pero sa isda baka makatulong, baka bumaba ang presyo ng manok at baboy. Kaya lang may African Swine Fever (ASF), sa sibuyas sa Nueva Ecija mura ang presyo,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Marcos na napakahirap ng pinagdadaanan ng mga Pilipino, lalo na ng mga magsasaka at mahihirap na kababayan sa labis na pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pagkain.

Ngunit dahil aniya sa mga giyera sa iba’t ibang dako ng mundo, ang kakaibang El Niño at mga sakit sa pananim dulot ng klima, malamang mananatili pa rin ang matataas na presyo ng bigas.

“Pakay ng AO 20 na maibaba ang halaga ng pagkain. Ngunit kung pupunahin natin ang pinakamurang imported Thai White Rice 5% broken na nasa USD 597/MT, at White Rice 25% broken na USD 568/MT, napakatataas na ng bagsak nito! Malabo nang maremedyo ng MAV (minimum access volume) ang presyo ng bigas, at hindi natin mararamdaman ang pagbaba ng presyo sa kada kilo dahil bukod sa nagmahal ang imported rice, tapos na rin ang anihan,” pahayag pa ng senador.

Leave a comment