
Ni NOEL ABUEL
Ipinagpatuloy ng House Committees on Public Accounts at Suffrage and Electoral Reforms ang kanilang magkasanib na imbestigasyon sa umano’y hindi wastong paggamit ng pondo at mga iligal na paggasta ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan noong 2022 National and Local Elections (NLE).
Pinangunahan ni ABANG LINGKOD party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, ang kanilang magkasanib na imbestigasyon.
Sa idinaos na pagdinig, inusisa ni Flores ang proseso ng pagpapasya ng Comelec sa mga kaso ng diskwalipikasyon sa halalan, na kasalukuyang nakabinbin sa tanggapan.
Nanawagan nito sa pagrepaso ng mga tuntunin ng poll body, at mga constitutional parameters, at binanggit na ang dalawang itinalagang dibisyon ay maaaring puno na ng mga kasalukuyang kaso.
Kinilala nina Comelec Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda Jr. at Deputy Executive Director Atty. Rafael Olano na ang pagreresolba ng mga sigalot ay maaaring magtagal.
Anila, aktibong nirerepaso ng poll body ang kanilang rules of procedure, upang makalikha ng mas nakatutugong aksyon, lalo na sa mga huling kaganapan sa jurisprudence.
Natanong din ang mga opisyal ng Landbank of the Philippines at Bombo Radyo sa Cagayan, kabilang ang hepe ng Provincial Human Resource Department na si Alda Natividad, at Provincial Health Officer Dr. Carlos Cortina, hinggil sa mga usapin ng proseso sa mga paggasta ng pamahalaang panlalawigan.
Ang pagsisiyasat sa umano’y hindi wastong paggamit ng pondo ay alinsunod sa mga House Resolutions 145 at 146 na inihain ni Cagayan Rep. Joseph Lara, na naglalayong malinawan sa mga usapin ng mga transaksyon ng pamahalaang panlalawigan, at siyasatin ang posibleng mga paglabag sa protocol at government’s mismanagement.
Binanggit ni Lara kung papaano ang mga nakaraang pagdinig ay nakatulong upang malinawan ang mga kakulangan sa mga batas ng halalan, mga usapin sa pagtalima sa mga tuntunin ng Commission on Audit, at ang kakulangan sa maayos na proseso kapag ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ay nagsagawa ng malaking cash advances na nagkakahalaga ng P320 milyon.
Umaasa siya na matutuldukan na ang mga anomalya, sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga bagong batas na magpapatatag sa mga proseso ng halalan, at tiyakin ang mga pananagutan sa paggamit ng mga government resources.
