
Ni NERIO AGUAS
Dalawang Pinay at dalawang Chinese nationals ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pinaghihinalaang sangkot sa fake marriage.
Iniulat ng BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na tinangka ng dalawang biktima na umalis sakay ng Xiamen Air flight papuntang China kasama ang kanilang umano’y mga asawang Chinese nationals sa NAIA Terminal 1.
Ang mga biktima, na 36-anyos at 24-anyos, ay nagkunwang papunta sa China para bisitahin ang pamilya ng mga asawa nito.
Ayon sa isa sa mga biktima na itinago sa pangalang Maria, nagpakita ito ng certificate of marriage na nanggaling umano sa tanggapan ng civil registrar.
Ngunit sa imbestigasyon ng BI, inamin din ng biktima na hindi ito pumirma ng anumang dokumento ng kasal at walang seremonyang naganap.
Sinabi nito na hiniling lamang sa kanya na ibigay ang kanyang sertipiko ng kapanganakan, at ang kanilang mga dokumento ng kasal ay prinoseso lamang ng isang kaibigan.
Samantala, ang isa pang biktima na itinago sa alyas na ‘Lia’ ay nagsumite ng 2023 Philippine Statistics Authority marriage certificate na may kasamang apostille certification.
Sa huli ay umamin din ito na ang nasabing sertipikasyon ay nanggaling sa umano’y asawa nito na pinagawa sa isang travel agent kapalit ng P43,000 at walang nangyaring kasalan.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na karamihan sa mga biktima ng ganitong modus ay mga kababaihan mula sa mga probinsya na walang alam sa mga pamamaraan sa pagpapakasal.
“We have noticed that there is a trend that women hailing form provinces that are less familiar with procedures are the main targets of this modus. Previous repatriations show that victims are made to work in the household without renumeration,” sabi nito.
Ang mga biktima at ang kanilang mga pekeng asawang Chinese nationals ay dinala sa inter-agency council against trafficking para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa kanilang recruiters at escorts.
