
Ni NOEL ABUEL
Pormal nang inihain ni Senador Sherwin Gatchalian ang resolusyon na naglalayong siyasatin ng Senado ang mga ulat na nagbabayad umano ng hanggang P2 milyon ang mga dayuhang mag-aaral sa Cagayan para makakuha ng mga diploma.
Sa Senate Resolution No. 1007, nais suriin ni Gatchalian ang katotohanan ukol sa mga ulat na unang ibinahagi ni University of the Philippines professor Chester Cabalza.
Ayon kay Cabalza na founding president ng think tank na International Development and Security Cooperation, hindi rin aniya pumapasok sa kanilang mga klase ang ilan sa mga mag-aaral na sinasabing nagbabayad para makakuha ng diploma.
Una nang hinimok ni Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang mga ulat.
Nanawagan naman ang komisyon kay Cabalza na pormal na maghain ng reklamo bago simulan ng CHED ang kanilang imbestigasyon kung saan sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap ang komisyon ng pormal na reklamo laban sa mga kolehiyo o pamantasan sa Cagayan.
Iginiit din ng senador na bagama’t suportado nito ang internationalization, tinututulan nito ang anumang mga gawaing makakasira sa reputasyon ng mga kolehiyo at pamantasan sa bansa, lalo na kung makikilala ang mga ito bilang mga diploma mill.
“Bagama’t hinihikayat natin ang mga mag-aaral mula sa ibang bansa na mag-aral sa ating mga kolehiyo at pamantasan, hindi natin dapat palagpasin ang pagbebenta ng mga degree o diploma na dapat pinagpapaguran,” ani Gatchalian.
“Kailangang managot kung sinuman ang mapapatunayang sangkot sa pagbebenta ng mga diploma. Hindi ito ang isinusulong nating dekalidad na edukasyon sa bansa,” dagdag na pahayag ng senador.
Nakabatay sa Executive Order No. 285, s. 2000 at sa Implementing Rules and Regulations nito, kasama na rin sa Joint Memorandum Order No. 01, s. 2017 at sa Inter-Agency Committee on Foreign Students ang mga pamantayan sa pagpasok at pananatili ng mga dayuhang mag-aaral sa bansa.
