Pamahalaan dapat maghanda sa La Niña– solon

Senador Chiz Escudero

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Chiz Escudero sa gobyerno na gumawa na ng mga proactive measures bilang paghahanda sa La Niña weather phenomenon upang pangalagaan ang mga mahihinang komunidad at mabawasan ang mga potensyal na panganib dulot nito

Ang pahayag ni Escudero ay kasunod ng pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), na nagtataas ng posibilidad na namumuo ang La Niña sa huling bahagi ng taong ito.

Sinabi ng senador na ang nalalapit na paglipat sa La Niña, na nailalarawan sa mas malamig na temperatura sa ibabaw ng dagat at higit sa normal na pag-ulan, ay nangangailangan ng mga komprehensibong programa at maagang interbensyon upang maprotektahan ang mga mahihinang sektor at matiyak ang katatagan ng klima.

“By acting now, we can better navigate the challenges posed by changing climate patterns and protect vulnerable communities and sectors, especially our farmers and fisherfolk,” ani Escudero.

Una nang naglabas ang PAGASA ng La Niña Watch upang magkaroon ng public awareness sa inaasahang paparating na weather phenomenon.

Ayon pa sa PAGASA, sa huling La Niña sa bansa, tumagal ng tatlong sunod na taon, mula Setyembre 2020 hanggang 2023.

“Ayon sa pag-aaral ng PAGASA, kung El Niño tayo ngayon, ay La Niña naman tayo next year. Maaari ba ‘wag nating ubusin lahat ng paghahanda natin para sa El Niño lamang dahil next year kabaliktaran ‘yong dapat nating paghandaan. Ngayon ang tamang panahon para maghanda tayo para sa parating na La Niño,” paliwanag pa ni Escudero.

“Dahil legal na pwedeng gastusin ang Calamity Funds para sa paghahanda sa isang kalamidad at hindi lamang sa aktwal na kalamidad kapag nand’yan na ‘yan, atin nang paghandaan ang La Niña. Bukod diyan, tatamaan pa rin tayo ng ilan pang bagyo na tinataya ng PAGASA na nasa lima hanggang 10 bagyo pa sa loob ng taon,” dagdag pa nito.

Habang ang bansa ay malakas ang loob para sa La Niña, sinabi ng beteranong mambabatas na dapat tiyakin ng Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Niño ang kabuhayan.

“Sa ngayon ayuda na lamang ang pwedeng maibigay sa mga magkakasakit, sa nawalan ng hanap-buhay na mga magsasaka o mangingisda dahil dito sa El Niño. Ayuda na lamang ‘yan para sa kanila pero hindi talaga para pigilan ang anumang masamang epekto ng El Niño dahil nangyayari na,” ayon pa kay Escudero.

Aniya, ang matinding init na dulot ng El Niño phenomenon ay nagdulot ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura sa bansa, na umaabot sa tumataginting na P4.39 bilyon, ayon sa DA.

Ang dry spell ay nakaapekto rin sa kabuuang 85,232 magsasaka at mangingisda sa 11 rehiyon.

Leave a comment