
Ni NERIO AGUAS
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Serbian national na pinaghahanap ng mga US Federal dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng fugitive search unit (FSU) ng BI ang pugante na si Predrag Mirkovic, 60-anyos, na naaresto noong Abril 25 sa loob ng isang bar sa Angeles City, Pampanga.
Si Mirkovic ay inaresto sa bisa ng mission order na inilabas ni Tansingco base sa kahilingan ng gobyerno ng Estados Unidos na nagpaalam sa BI tungkol sa drug case nito sa Amerika.
Inilutang ng US authorities na si Mirkovic ay may outstanding warrant of arrest na inisyu ng isang district court sa Maryland kung saan ito ay kinasuhan ng conspiracy to possess and distributed substances na paglabag sa US penal code.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, nakatanggap din ang BI ng liham-reklamo mula sa isang concerned citizen na umano’y sangkot si Mirkovic sa pangangalakal ng ilegal na droga sa Angeles City.
Hiniling umano ng complainant sa BI na i-deport si Mirkovic na inilarawan bilang isang undesirable alien.
Ibinunyag din ni Sy na ang isang warrant para sa pag-aresto sa Serbian ay inilabas din ng regional trial court-family court sa Calamba, Laguna.
Kasong paglabag sa Republic Act 9262, o ang anti-violence against women act, ang nihain sa korte laban kay Mirkovic ng kanyang kinalasamang Filipina partner.
Si Mirkovic ay kasalukuyang nakadetine sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.
