
Ni NOEL ABUEL
Pinakakansela ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ni Kingdom of Christ religious leader Apollo Quiboloy.
Giit ng senador, ito ay dahil sa patuloy na pagtanggi ni Quiboloy na humarap sa pagdinig ng Senado at maging sa korte para harapin ang kasong kinasasangkutan nito.
“Imbes na magpakita sa Senado o sa mga korte, panay record ng audio message na tila nang-iinsulto pa sa kakayanan ng gobyerno na matunton siya. This is appalling. This should not be allowed to pass, but only challenge government more to exhaust all means to restrict his movements,” giit ni Hontiveros.
Una nang sinabi ni DFA spokesperson Teresita Daza na sa sandaling makansela ang pasaporte, ito ay maituturing na “red flag for any application in all DFA consular offices within and outside the Philippines”.
Dagdag pa ni Daza na ang pagkansela sa pasaporte ay kapwa iniuulat sa Bureau of Immigration (BI) at sa Interpol office sa Pilipinas na agad na ipapaalam sa Interpol HQ kung saan maglalabas ito ng alert system sa international border controls.
“The world is closing in on him. He is accused of crimes that transcend continents and nationalities. Tiwala ako na maraming bansa ang handang makipagtulungan sa Pilipinas para papanagutin siya,” ayon pa sa sa senador, na nagsabinng ang tatlong victim-survivors na nagbigay ng testimonya laban kay Quiboloy sa pagdinig ng Senate Committee on Women ay foreign nationals.
“Kung ang puganteng kongresista ay nahuli, sana naman maaresto rin ang puganteng religious leader. Maliit ang mundo. Hindi niya matatakasan ang batas habambuhay,” dagdag pa ni Hontiveros.
