Trafficking victim nasagip, escort dinakip sa Davao airport

Ni NERIO AGUAS

Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng biktima ng human trafficking matapos mahuli ang lalaking trafficker na nagtangkang ilusot ang una palabas ng bansa.

Ang biktima na itinago sa pangalang Nina ay nasagip sa Davao International Airport bago makasakay ng eroplano ng Scoot Airlines flight patungong Singapore.

Inamin ng biktima na bibiyahe ito sa Singapore bilang isang turista kasama ang kanyang amo, ngunit kalaunan ay inamin na ito ay na-recruit para magtrabaho bilang isang household service worker sa United Arab Emirates.

Sinabi ng biktima na ang kanyang kasamang lalaki ay nagbilin sa kanya na sabihin na ito ay maglalakbay sa ibang bansa bilang kanyang personal na kasambahay para sa isang maikling bakasyon.

Sa beripikasyon sa record ng lalaki, napag-alaman na dati na itong nag-sponsor ng biyahe kasama ang ibang babae, na nabigong bumalik sa bansa.

Inamin nito na dati itong nag-escort sa isa pang babaeng biktima, na umalis papuntang Singapore ngunit lumipat sa Thailand.

Sinabi ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na hinala nila na ang lalaki ay nagre-recruit ng mga Filipino para magtrabaho sa Middle East ngunit iniiwan ang kanyang mga biktima hanggang ma-stranded.

Binalaan ni BI Commissioner Norman Tansingco ang publiko laban sa nasabing scheme, at sinabing ang pag-rescue o repatriation ay malaking hamon kapag walang record ang gobyerno ng Pilipinas sa kinaroroonan ng isang manggagawa.

“These traffickers dupe victims into agreeing to such schemes, only to leave them penniless in the middle of an unfamiliar foreign country. Aspiring workers should never ever agree to such arrangements,” sabi ni Tansingco.

Kapwa ang biktima at ang escort ay ibinalik sa interagency council laban sa trafficking.

Habang nahaharap sa kasong human trafficking ang lalaking escort dahil sa insidente.

“We thank the IACAT for actively pursuing cases against these traffickers. It makes our job meaningful because we know that these escorts are finally put behind bars,” ayon sa BI chief.

Leave a comment