
Ni NOEL ABUEL
Itinuloy na ng House Committee on Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Navotas City Rep. Tobias Tiangco, ang magkasanib na pulong ng House Committee on Public Information, sa pamumuno ni Agusan del Norte Rep. Jose Aquino II, ang pagsisiyasat sa patuloy na pamamayagpag at nakakaalarmang cyberattacks laban sa mga tanggapan ng pamahalaan at mga pribado sa bansa.
Iprinisinta ni Undersecretary Jeffrey Ian Dy ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kalagayan ng cyber security sa bansa, at mga inisyatiba ng pamahalaan na protektahan ang cyberspace ng bansa.
Iniulat nito na itinatag ng DICT ang National Security Operations Center (NSOC) bilang tugon sa mga resolusyon na inihain matapos ang mga cyberattacks noong 2023.
Sinabi ni Dy na 28 ahensya ng pamahalaan ay konektado na sa NSOC.
“Aside from the hacks that we went through, there were more attacks that happened and defended in a course of a few months from December 2023 until this moment,” ani Dy.
Hanggang Abril 2024, sinabi nito na natuklasan ng NSOC ang kabuuang 811 pagsubok na i-hack ang mga ahensya ng pamahalaan, na kanilang iniwan.
Natuklasan din ng DICT ang mga kahinaan ng may 2,000 government assets. At ang ilan rito ay tinukoy sa pamamagitan ng Secure Online Network Assessment and Response System (SONAR) Project na inilunsad noong Disyembre 2023.
Ayon kay Dy, awtomatikong ini-scan ng SONAR ang lahat ng posibleng kahinaan sa lahat ng imprastraktura ng ICT ng pamahalaan, na imamantine sa nasasakupan ng DICT sa ilalim ng GOV.PH domain.
“Our government agencies are not in good state. We discovered 30,682 vulnerabilities, each classified by severity. Please understand this is not something that we can resolve overnight,” ayon kay Dy.
Tinukoy nito ang DOH, DICT, DOTR, NEDA, PNP-Information and Technology Management System, DENR, PEZA, CSC, OP at DOST bilang mga ahensya na nagtala ng pinakamaraming bilang ng mga mataas at delikadong insidente.
