
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan ang ilang kongresista sa Senado na pakinggan ang apela ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na iprayoridad ang panukalang pagbabago ng batas na magpapababa sa presyo ng bigas ng hanggang P10.00 hanggang P15.00.
Sa pulong balitaan, sinabi nina Assistant Majority Leader at Nueva Ecija, 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing at Deputy Majority Leaders at Isabela Rep. Faustino “Inno” Dy V at Tingog party list Rep. Jude Acidre na suportado ng mga ito si Romualdez.
“I very much laud and commend from a personal standpoint the appeal of the Speaker to the Senate to expedite the passage of the amendments of the RTL (Rice Tariffication Law),” sabi ni Suansing.
Aniya, mula sa kilalang rice-producing province, ang nasabing batas kabilang ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ay malapit sa puso nito maliban pa sa naging paksa ito ng kanyang thesis sa Harvard University sa kanyang master’s degree.
Nag-akda rin ito ng unang panukalang batas upang amiyendahan ang RTL at ipakilala ang mga pagpapabuti sa RCEF upang mapabuti ang pagiging epektibo nito, madagdagan ang epekto sa pagpapababa sa gastos ng produksyon, at dagdagan ang kita ng mga magsasaka at ang kanilang ani.
“So ako po sobrang natuwa ako noong nagsabi si Speaker na House priority na po ito and more than just indicating it as a House priority, the Speaker actually wants to request the President to certify this bill as urgent, dahil po talagang urgent ito in every sense,” sabi ni Suansing.
“Napakataas po ngayon ng presyo ng bigas sa merkado at ang target po ng ating mahal na Speaker at sana po hinihikayat po namin ang aming mga kaibigan sa Senado na samahan kami dito sa pag-expedite ng approval nito sapagkat ang target po ng ating Speaker ay bago po mag-break ng sine die ngayon pong Mayo ay maipasa na po natin dito sa Kongreso sa third and final reading itong amendments sa RTL, para po pagdating ng Hunyo ay ma-implement na po ito,” paliwanag pa nito.
Inulit nito ang prediksyon ni Romualdez na kapag naaprubahan ang mga panukalang pag-amiyenda, maaaring bumaba ang retail price ng bigas ng P10-P15 kada kilo, dahil kasama sa mga panukala sa pag-amiyenda ang pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na bumili ng palay sa mga magsasaka at direktang magbenta ng bigas sa mga mamimili.
“Kaya bakit po ba mahalaga ito sapagkat sa kasalukuyang porma ng RTL nawala po iyong dating kapangyarihan ng NFA, iyong dati nilang mandate na bumili ng bigas at magbenta ng bigas direkta sa merkado. Ngayon po isa sa mga nakikita nating dahilan kung bakit napakataas ng presyo ng bigas ay ang available lang sa merkado ay iyong commercial rice at lahat po ito ay naglalaro sa P42 para sa well-milled rice hanggang P60-P62 para sa premium rice,” pahayag ng kongresista.
Sa panig naman ni Dy, na kilala rin ang lalawigan nito na major rice producing, panahon nang ibalik sa NFA ang awtoridad sa pagbili ng bigas.
“The NFA acts as a safety net para po sa ating mga kababayan. Not only that, it becomes a price regulation tool. By allowing NFA to do its function like before, magkakaroon na tayo ng mas mababang presyo ng bigas sa merkado. At ngayon, hopefully that will lower the prices of other competing well-milled rice, other types of rice. And again, it becomes a safety net para sa ating mga kababayan na hindi makabili ng premium rice, well-milled rice,” sabi ni Dy.
“Kung nandiyan po ang NFA, again we could supply rice to a cheaper price and mas mapapalaki pa natin ‘yung kita ng ating mga farmers at nako-close po natin ‘yung gap between kita ng farmers and also sa presyo na binibigay po natin sa consumers or napapababa para sa consumers,” dagdag pa nito.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Acidre na ang mga iminungkahing pagbabago sa RTL ay magbibigay sa publiko ng access sa mas murang bigas.
“Ultimately, ang layunin naman natin ay magkaroon ng access sa mas murang bigas ang ating mga kababayan. I think its fundamental for government to ensure na ang pinaka-mahirap, pinaka-vulnerable sa ating pamayanan ay magkaroon ng pagkain sa kanilang hapag kainan,” aniya.
