Pagbabalik sa lumang academic school calendar suportado ni Sen. Revilla

Ni NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang panukalang ibalik na sa dating academic calendar ang pagbubukas ng klase dahil na rin sa madalas na pagsuspende ng face-to-face classes bunsod ng mainit na panahon.

Ayon sa senador, sang-ayon ito sa pakiusap ng mga mag-aaral, magulang, guro at iba pang school personnel para ibalik sa old calendar na Hunyo hanggang Marso ang academic calendar sa darating na pagbubukas ng eskwela bunsod ng sobrang init na panahon na siya namang nagdudulot ng pasakit at panganib sa kalusugan.

“Naiintindihan ko ang daing ng ating mga mag-aaral pati ng kanilang mga magulang. Kasama rin ang mga guro at mga non-teaching personnel ng mga eskuwelahan. Grabe talaga ang init ngayon. Kada araw na lumilipas, painit nang painit. Kaya gusto natin na maibalik sana ang school year ng mga mag-aaral sa dating schedule para hindi umaabot sa maiinit na buwan katulad ng Abril at Mayo ang pasok ng mga bata,” pahayag ni Revilla.

“Sa totoo lang, hindi rin naman face-to-face ang mga klase nitong mga nakaraang linggo dahil sa init. Kaya bakit hindi na lang natin ibalik sa dating schedule para hindi rin mabawasan ang mga school days na pumapasok ng pisikal ang mga bata,” dagdag nito.

Sa mga nakalipas na araw lamang nang inihain ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mungkahing ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..

“Ang dami na nating narinig na kaso ng mga estudyante na hinimatay sa school dahil sa sobrang init. Let us remember that at the end of the day, dapat masiguro muna natin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral. Sigurado ako na may magagawa tayo para hindi nasasakripisyo ang kalusugan ng mga bata,” paliwanag ni Revilla

Ayon sa PAGASA, ang heat index o ang init na nararamdaman ng isang tao ay maaaring pumalo ng 57 degrees Celsius sa mga susunod na araw na tinatayang nasa lebel na ng “extreme danger” o may matinding pinsala nang maidudulot sa pangangatawan at kalusugan ng tao.

Base sa datos, tatagal pa hanggang ikalawang linggo ng Mayo ang init na nadaramang ito ng mga Pilipino kung kaya’t dapat na mag-ingat ang lahat.

Leave a comment