Pagpapatatag sa drug prevention kasado na sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan ng House Committee on Dangerous Drugs ang binalangkas na substitute bill na naglalayong palakasin ang Republic Act 9165 at mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Tinanggap ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang ang pag-apruba ng komite sa substitute bill, na pinagsama-sama ang 12 mga panukala at binanggit ang pangangailangan na palakasin ang aspeto ng paglilitis sa pagpapatupad ng batas, laban sa mga ipinagbabawal na gamot.

“Nakita natin du’n 80% or even more of cases filed before our courts are dismissed. May huhulihin ang pulis, ang pulis magpa-file ng kaso sa fiscal, ang fiscal magpa-file ng kaso sa korte, pagdating sa korte nadi-dismiss,” malungkot na pahayag ni Barbers.

Habang binabanggit ang kahalagahan ng mga ebidensya sa paglilitis, kinuwestiyon ni Lanao del Norte 1st district Rep. Mohamad Khalid Dimaporo ang pangangailangan para sa isa pang ahensya laban sa droga.

“Why add another bureaucracy when we have field operators trying to contain dangerous drugs in our localities?” tanong nito.

Iminungkahi nito na kung hindi makapagtatayo ang Department of Health (DOH) ng mga crime laboratories sa bawat lalawigan, ang mga pribadong laboratoryo ay maaaring magsilbi bilang mga partner-facilities, tulad ng ginagawa sa kanilang lalawigan.

Hinimok nito ang DOH na magtayo ng mga forensics laboratory sa bawat lalawigan.

Ayon naman kay APEC party list Rep. Sergio Dagooc, kapag naisabatas ang panukala, tiyak na paglalaanan ng pondo ng Kongreso ang anumang kinakailangang pasilidad para maipatupad ang batas.

Tinanong naman ni House Committee on Dangerous Drugs vice chairperson at Leyte 2nd District Rep. Richard Gomez ang umiiral na sistema sa pagbibigay ng pabuya sa mga informants.

Ang balangkas na substitute bill ay pinagsama-samang mga amiyenda na ginawa ng lupon mula sa mga sumusunod na panukala: HBs 90, 1278 at 5333 na iniakda nina Barbers, Reps. Luis Raymund “LRay” Villafuerte Jr., Miguel Luis Villafuerte, Tsuyoshi Anthony Horibata at Nicholas Enciso VIII at Rep. Rufus Rodriguez, na naglalayong palakasin ang prebensyon at pagkontrol sa droga.

Ang iba pang mga panukala, ang mga HBs 572 at 2462, na naglalayong ilibre ang mga mamamahayag na umaksyon bilang mga saksi sa mga operasyong anti-drug, na inihain nina Reps. France Castro, Arlene Brosas at Raoul Danniel Manuel; HBs 908 at 7094, na ang huli ay iniakda ni Rep. Ronald Singson, na naglalayon ng mabilisang pagsira sa mga nakukumpiska, nakukuha at isinukong droga, pagtatanim ng droga, at pagkontrol sa mga precursors.

Gayundin ang HB 2459 na nagpapanukala ng mas mataas na parusa, kabilang ang kamatayan sa mga dayuhang mapapatunayang may sala at guilty sa pagpapasok ng mga mapanganib na droga sa bansa at iba pang kapareho nito; HB 2464 para sa paglikha ng mga tuntunin sa drug testing; HB 2882, na nagmamandato sa mga lokal na pamahalaan na maglaan ng 1 porsiyento ng kanilang taunang badyet para pondohan ang kanilang city/municipality anti-illegal drug fund, na iniakda ni Gomez; at HB 4181 na nagpapalakas sa drug abuse prevention, treatment at rehabilitation na inihain ni Northern Samar 2nd district Rep. Harris Christopher Ongchuan.

Leave a comment