Pay hike para sa 1.9M gov’t employees itinutulak ni Sen. Estrada

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na itaas ng 10 hanggang 46 na porsiyento ang take-home pay ng tinatayang 1.9 milyong kawani ng gobyerno sa loob ng apat na taon.

Sa inihain nitong Senate Bill No. 2611 o Salary Standardization Law VI, layon nito na magbigay ng 10 hanggang 46 porsiyentong pagtaas sa sahod ng mga kawani ng gobyerno simula sa Enero 1, 2025 at sa mga susunod na taon kada unang araw ng Pebrero hanggang 2028.

“Napaso na noong nakaraang taon ang Salary Standardization Law (SSL) 5 na pinatupad ng nakaraang administrasyon na tumutugon sa tumataas na cost of living o gastusin. Patuloy pa rin naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo kaya dapat ay may kaakibat na pagtaas din sa sahod ang mga kawani ng gobyerno upang sila ay makapagbigay ng disenteng pamumuhay sa kani-kanilang pamilya,” sabi ni Estrada.

Sa ilalim ng SB 2611, bibigyan ng 10 porsiyentong dagdag sahod ang mga kawani sa unang bahagi ng pagpapatupad ng panukala, 11 percent sa ikalawang taon, 12 porsiyento sa ikatlong bahagi at 13 porsiyento sa ikaapat na bahagi o kabuuang 46 porsiyentong pagtaas sa loob ng apat na taon na pagpapatupad ng panukalang batas.

Saklaw ng panukalang batas ang lahat ng civilian government employees kabilang ang mga guro sa pampublikong paaralan, nurses, mga nasa local government units (LGUs) at mga barangay personnel na nakakatanggap ng buwanang honorarium.

Hindi naman sakop ang mga nasa military at uniformed personnel, mga government-owned or controlled corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng RA 101 o ang GOCC Governance Act of 2011 at mga indibidwal na ang serbisyo ay nasa ilalim ng job orders, contracts of service, consultancy o service contracts na walang ugnayang employer-employee.

Ang pagtaas ng sahod para sa Pangulo, Bise Presidente at mga miyembro ng Kongreso ay magkakabisa lamang pagkatapos mag-expire ang mga termino ng mga kasalukuyang opisyal.

Binigyan-diin ni Estrada ang pangangailangan na baguhin ang salary structure ng sahod para sa mga civilian personnel para matiyak na ang kompensasyon ay standardized at rationalized sa lahat ng ahensya ng gobyerno at masiguro ang pagpapalaganap ng social justice, integridad, kahusayan, productivity, accountability sa civil service.

“Higit sa lahat, layunin ng panukalang batas na ipamalas ang pasasalamat ng pamahalaan sa kanilang paglilingkod at dedikasyon sa kanilang trabaho. Mapapabuti rin ang kompensasyon ng mga kawani ng gobyerno kaya’t makakatulong ito sa pagpapanatili ng mga kasalukuyang empleyado at makakaakit ng mga aplikante. Sa pamamagitan nito, makakaasa tayo ng mas mahusay at matatag na serbisyong sibil sa ating bansa,” paliwanag ni Estrada, na chairman ng Senate Committee on Labor.

Leave a comment