
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US national na wanted sa bansa nito.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang dayuhan na si Myklr Aphrodite, 43-anyos, na nakatakda nang ipatapon palabas ng bansa.
Nabatid na si Aphrodite ay nadakip sa kahabaan ng Roxas Blvd, Ermita, Manila ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU).
Sinabi ni Tansingco na inaresto si Aphrodite sa bisa ng mission order na inilabas nito sa kahilingan ng US Embassy sa Manila na humingi ng tulong sa BI sa paghahanap at pag-aresto sa pugante.
Nakakulong ngayon ang Amerikano sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings laban dito.
Ayon sa US authorities, si Aphrodite ay may kinakaharap na arrest warrant na inilabas ng US district court sa Mclennan county, Texas noong nakalipas na Disyembre.
Iniulat itong kinasuhan sa korte bunsod ng illegal na paggamit ng criminal instruments na paglabag sa Texas penal code.
Sa ilalim ng penal code, ang kaso laban kay Aphrodite ay nakatuon kapag ang isang tao ay nagtataglay ng isang criminal instrument o mechanical security device na may layunin na gamitin ang nasabing instrumento o aparato sa paggawa ng kriminal na pagkakasala.
Sinabi ni Tansingco na tulad ng sa lahat ng iba pang mga banyagang fugitives na inaresto ng BI, si Aphrodite ay isasama sa BI blacklist at pinagbawalan nang muling makapasok sa Pilipinas.
