
Ni NOEL ABUEL
Malugod na tinanggap ng liderato ng Kamara ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na certify as urgent ang iminungkahing pag-amiyenda sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang Rice Tarification Law (RTL), na humihimok sa Senado na agad na sundin ito.
Sinabi ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez na ang hakbang ay naglalayong mapababa ang presyo ng bigas, na naaayon sa direktiba na itinakda ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“This is in line with the directives of Speaker Martin Romualdez, our leader here in Congress, na i-amend ang RTL upang siguraduhin na mapababa po natin ang presyo ng bigas para sa mamamayang Pilipino,” sabi ni Suarez sa regular na pulong balitaan sa Kamara.
Binigyan-diin ni Suarez ang agarang pangangailangan na tugunan ang tumataas na halaga ng mga bilihin, lalo na ang bigas, na isang malaking hamon para sa mga Pilipino, partikular ang mga mula sa mga mababang kita.
“Ramdam po natin na isa sa mga pangunahing hamon na hinaharap ng ating mga kababayan ay ‘yung patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, and amending the [RTL] is one sure step that we can do to have more competitive prices for Filipinos,” giit nito.
Ipinaliwanag pa ni Suarez ang patuloy na pagsisikap sa Kamara, na binanggit ang mga pagdinig na isinasagawa ng Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, sa iba’t ibang panukalang batas na naglalayong amiyendahan ang RTL.
Nauna nang sinabi ni Romualdez na kung aamiyendahan ang RTL sa Hunyo, maaaring bumaba ng P10 hanggang P15 ang presyo ng bigas.
Aniya, layunin ng Kamara na ibaba ang presyo ng bigas sa humigit-kumulang P30 kada kilo sa Hunyo upang matiyak ang abot-kayang bigas para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Nang tanungin tungkol sa potensyal na reaksyon ng Senado, nagpahayag si Suarez ng tiwala ito na itinuturo ang certificate of urgency ng Pangulo bilang isang pangunahing kadahilanan.
“May sarili rin namang patakaran ang mga senador at ang Senate sa mga processes nila pagdating sa legislation but given that this has already been certified as urgent by the
Palace, I’m sure the Senate will take cue and take action on that,” ayon kay Suarez.
“So antayin na lang po natin kung ano po ang magiging tugon ng Senado. But I’m very positive that the Senate will take action given the urgency of the matter,” dagdag nito.
