
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa katatagan ng mga Pilipino sa harap ng nararanasang pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin at matinding init ng panahon.
“Hindi nagpapatinag ang mga Pilipino kailanman. In the face of challenges, from the rising prices of goods to the scorching heat of the sun, we endure, we adapt and most importantly, we flourish. Ang pinakamatibay na ebidensiya nito, ngayong buwan ng Mayo, sunud-sunod ang mga fiesta ng mga Santacruzan o Flores de Mayo. Sa gitna ng mga mabibigat na problems, kinakaya pa natin maging maligaya. Ganyan ang Pilipino,” ayon kay Quimbo sa kanyang pahayag sa idinaos na flag raising ceremony sa Kamara ngayong Lunes.
Sinabi pa ng senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations, na ang mga piyesta at mga pagdiriwang ay nagbabahagi ng saya, inilalapit ang mga mamamayan sa kanilang mga mahal sa buhay, at iniuugnay sa kanilang mga pinanggalingan.
Kinilala rin ni Quimbo na ang mga aktibidad na ito ay magandang paraan upang isulong ang turismo at lumikha ng kita, at idinagdag na, “additional income always pave the way for more possible solutions to problems.”
Binanggit nito ang masayang Ati-Atihan sa Aklan, ang maningning na Sinulog Festival sa Cebu, at ang makulay na Panagbenga sa Lungsod ng Baguio, bilang mga kilalang piyesta sa bansa.
Hinimok ng kongresista ang mga nag-oorganisa na muling tingnan ang mga pagdiriwang ng piyesta, at ibagay ito sa nagbabagong panahon.
“Pag-isipan natin kung mahalaga ba ang mga values na iiwan ng mga fiesta lalung-lalo na sa mga kabataan ganu’n din sa mga nakatatanda. Kung masyadong makaluma o hindi na napapanahon puwede na sigurong lumipat sa Version 2.0,” aniya.
Ibinahagi ni Quimbo kung papaano ang taunang Shoe Festival sa Lungsod ng Marikina ay nagbibigay ng mga oportunidad sa mga lokal na gumagawa ng sapatos, upang itanghal ang kanilang mga kalidad na produkto.
“Bawat taon, nabibigyan po ng pagkakataon ang mga sapatero upang ipagmalaki ang mga de kalidad at naggagandahan nilang mga sapatos. Sa kasamaang palad, marami na pong pagawaan ng sapatos ang nagsara dahil mas mura ang imported na sapatos mula sa ibang bansa tulad ng China. Hence, we recognize that celebrating our artisanship and artistry goes beyond this annual celebration,” ani Quimbo.
Nanawagan ang mambabatas sa bawat isa na lumahok sa mga pagdiriwang ng mga kapistahan.
