Wanted na South Korean ipapa-deport ng BI

NI NERIO AGUAS

Nakatakdang ipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national na wanted sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, noong nakalipas na Mayo 2 nang madakip ang nasabing dayuhan na si Kwon Hyuckkeun 41-anyos, sa tahanan nito sa kahabaan ng E. Rodriguez St., Quezon City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU).

Armado ng warrant of deportation, isinagawa ng FSU ang pagdakip kay Kwon dahil sa pagiging wanted at isa nang undesirable alien.

“He will thus be deported as soon as we have secured the necessary clearances for his departure. His name was already include in our blacklist, hence he is barred from re-entering the Philippines,” sabi ni Tansingco.

Sa travel record na nakatala sa BI, si Kwon ay dumating sa bansa noong Nobyembre 26, 2018 at mula noon ay hindi na umalis ng bansa.

Sinabi ni Rendel Ryan Sy, BI-FSU acting chief, na si Kwon ay mayroong outstanding warrant of arrest na inilabas ng Seobu Branch of the Daegu District Court sa Korea na may petsang Abril 2019.

Sinabi ni Sy na si Kwon at ang kanyang mga kasamahan ay nagsabwatan sa pagpapatakbo ng isang sindikato na gumagamit ng voice phishing sa panloloko sa marami nilang kababayan na inalok ng mababang interes sa mga pautang kapalit ng pagbibigay ng personal na impormasyon sa kanilang mga credit cards.

Tinatayang kumita ang nasabing sindikato ng mahigit sa 12 million won, o katumbas ng US$9,000.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Kwon habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.

Leave a comment