
Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang makipag-alyansa ang partido Lakas-CMD sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) bilang paghahanda sa 2025 midterm elections.
Ito ang ipinahayag ni Lakas-CMD spokesperson at Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, sa idinaos na pulong balitaan sa Kamara, na kanyang inilarawan na batay sa nagkakaisang idelohiya at kahalagahan.
“Of course we carry the President’s banner, calling for unity, development and progress, and I think this should be the basis of unity for all the other political parties that want to align with the PFP. Ang mahalaga rin po dito mga kasama ay palapit na po kasi tayo sa mid-term elections which is happening next year,” ayon kay Suarez.
Idinagdag nito na mahalaga rin na makita ang alyansa hindi lamang sa pambansang antas, kundi maging sa panlalawigan at lokal na antas.
“As we have seen, when it comes to implementation of programs and projects, we need to see alignment also. When it comes to support and when it comes to proper implementation and execution, we do look forward to this alliance and I do hope that the other political parties will follow soon,” aniya.
Nauna nang inendorso ng Pangulo ang posibleng alyansa sa mga partido politikal para 2025 midterm elections.
Nang matanong kung ang Lakas-CMD ay nais na makipag-alyansa sa Hugpong ng Pagbabago ni Vice President Sara Duterte para sa halalan 2025, tumugon si Suarez na ang mungkahi ay hindi tinalakay bilang usapin sa partido, sa anumang pulong ng Lakas-CMD executive committee.
Subalit nilinaw nito na ang Lakas-CMD ay hindi isinasara ang pintuan sa anumang oportunidad at alyansa.
“We are not closing our doors to any alliance as long as we are basing our alliance on shared common ideals. So iyon po iyong pinakamahalaga doon: shared common ideals. Especially when it comes to the policy directives of our President which we have to support 100%. Unequivocal iyon. At syempre ‘yung posisyon po ng leader namin dito sa Kongreso na si Speaker Martin Romualdez has to be 110% support,” pahayag pa ni Suarez.
Ayon sa kongresista, nakatuon ang partido sa kasalukuyan sa pagpapalakas ng kanilang posisyon sa 2025.
Sinabi nito na gagawin ito sa kanilang alyansa sa PFP, at sa pinaigting na kooperasyon sa iba pang pambansang partido politikal, tulad ng Nationalist Peoples’ Coalition, National Unity Party, Nacionalista Party at Aksyon Demokratiko.
Tinataya ng nag-iisang miyembro ng Aksyon Demokratiko na si Manila Rep. Joel Chua ang alyansa ng kanyang partido sa Lakas-CMD at PFP bilang katanggap-tanggap na kaganapan.
“Ang banner na binabandera po ng ating Pangulo ay unity, so kung lahat po ng naniniwala sa agenda, sa programa, at sa administrasyon ng Pangulo, tingin ko dapat nagkakaisa po talaga. Kaya malaking bagay po ito para sa amin,” ani Chua.
Naniniwala naman si Lanao del Sur Rep. Zia Alonte Adiong na ang lakas ng demokrasya ay nasa tunay na pagbuo ng koalisyon.
“Pagkakaalam ko po ang ating Presidente, from the very start, when he started the campaign back in 2022, ang parati po niyang mensahe talaga is unity. Alam po natin ito. May kasabihan nga: in unity, there is strength hindi ba? Unity in diversity doesn’t necessarily mean that since you have your own platform, your own advocacies, doesn’t mean that we can’t compromise, and you can’t join forces together to work for the betterment of the country. And that has been the message of the President,” ani Adiong.
