Substitute bill na mag-aamiyenda sa RTL para mapababa ang presyo ng bigas pasado na komite ng Kamara

Rep. Wilfido Mark Enverga

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan ng House Committee on Agriculture ang substitute bill na naglalayong amiyendahan ang Republic Act 11203, o Rice Tarification Law (RTL), na nakatuon sa pagpapatatag sa presyo ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng pagtitiyak ng sapat na suplay nito.

Ito ang tugon ng Kamara sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na sesertipikahan nito bilang urgent ang naturang panukala.

Pinasalamatan naman ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nasabing komite sa mabilis na pag-aksyon para maibaba ang presyo ng bigas.

Ipinaliwanag ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, chairman ng nasabing komite na ang substitute bill ay naglalayong gawaran ng pansamantalang kapangyarihan ang National Food Authority (NFA), na makialam sa merkado kung saan may sobrang pagtataas ng presyo ng bigas, o sobrang kakulangan sa bigas.

Ayon kay Enverga, pinahihintulutan sa ilalim ng panukala ang NFA na bumili ng lokal na giniling na bigas, at may karapatang bilhin ang bigas sa wastong halaga mula sa mga accredited importers, insurance at freight (CIF)-landed price, na deklarado ng importer.

Kapag ang nasabing panukala ay hindi sapat, ay pahihintulutan ang NFA na direktang umangkat ng bigas, alinsunod sa ganap na pahintulot ng Pangulo, upang mapagaan ang puwang sa lokal na suplay at mapatatag ang pambansang suplay ng bigas.

Ang panukala na mag-aamiyenda sa RA 11203 ay palalakasin din ang kakayahan ng Bureau of Plant and Industry (BPI) na pangasiwaan ang mga milled rice warehouse para sa kalinisan, phytosanitary at pagtupad sa kaligtasan sa pagkain.

Isinasaad din sa panukala na ang mga hindi nagamit na alokasyon sa Rice Fund ay hindi na ibabalik sa general fund.

Matapos na maaprubahan ang substitute bill, nakipagpulong ang lupon kay House Committee on Ways and Means chairman Albay Rep. Joey Salceda, upang talakayin ang mga probisyon sa badyet na nakasaad sa substitute bill, na nagmumungkahi na ang halaga ng Rice Fund ay itaas sa kasalukuyang P10 bilyon sa P15 bilyon.

Inaprubahan din ng dalawang komite ang mga panukalang rebisyon sa alokasyon ng badyet sa mga programa, sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Ito ay ang mga: 1) karagdagang badyet para sa farm mechanization component mula 50% hanggang 53.5%; 2) pagbabawas ng pondo sa seed component mula 30% sa 28%; 3) pagpapalawig ng serbisyo sa bigas mula 10% sa 5 porsiyento, at 4) rice credit assistance mula 10% sa 6 porsiyento.

Nagsulong din ng mga bagong tampok tulad ng alokasyon sa pondo mula sa RCEF para sa lupa, abono at program management office.

Sinabi ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing na ang mga sobrang tariff revenues mula sa RCEF ay ilalaan sa ibat ibang programa, tulad ng crop diversification, provision of seeds and fertilizers, small water impounding, crop insurance at iba pang mga potensyal na programa.

Sumang-ayon ang dalawang lupon na ibalik ang kapangyarihan ng NFA sa regulasyon ng dayuhang pamuhunan sa industriya ng bigas at mais.

Leave a comment