
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pag-alala si Senador Mark Villar sa matinding init ng panahon na nakaaapekto sa bansa na binanggit ang mga kaso ng heat-induced accident at pagkamatay, partikular na ng mga construction workers, traffic enforcer, at mga katulad na manggagawa na gumugugol ng mahabang panahon sa ilalim ng araw.
“Nakakabahala na po ang heat index natin ngayon dahil talagang marami na ang naapektuhan. We received reports of accidents and deaths caused by the extreme heat. Kailangan na po nating aksyunan ito at magkaroon ng preventive measures na mababawasan ang exposure sa init ng ating mga manggagawa,” pahayag ng senador.
Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala ito ng 77 heat-related illnesses at 7 heat-related deaths mula noong Enero.
Ang mga ito ay nauugnay sa abnormally high heat index na umabot sa 50 ℃, kung saan ang PAGASA ay nagsabing mapanganib kapag ang temperatura ay mula 42 ℃ pataas.
“Noong nakaraang linggo ay mayroon po na mga traffic enforcers and construction workers na pumanaw dahil sa kanilang over-exposure sa araw. Ang mga kaso po nila ay isang wake-up call para sa ating lahat para magkaroon ng mga appropriate adjustments and consideration para sa kanila,” pahayag ni Villar.
Itinaas nito ang posibilidad na magkaroon ng precautionary measures para sa mga manggagawang labis na nabilad sa araw sa oras ng kanilang trabaho.
Kasabay nito ay hinimok nito ang mga local government unit (LGUs) na tingnan ang mga pagsasaayos sa oras ng trabaho, kasuotan sa trabaho, at rotational shift ng mga manggagawa.
Hinimok din Villar ang pagdaragdag sa presensya ng mga local medical personnel sa mga lugar na may mataas na trapiko sa panahon ng kasagsagan ng init.
“As much as possible, gusto po nating ma-minimize ang effect ng mataas na temperature sa ating mga manggagawa and at the same time, be ready for the worst case. I am urging our LGUs to look into how they could provide additional aid to our construction workers and enforcers to minimize their exposure to the heat,” ayon pa dito.
Sa nakalipas na pagtataya ng PAGASA, nagbabala ito sa danger level heat index sa 30 lugar sa bansa sa darating na linggo.
Sa forecast ng ahensya, ang heat index na aabot sa 47 ℃ sa Pangasinan at Cagayan at iba’t ibang antas ng heat index sa kategoryang “panganib” sa buong bansa.
