BI nagpatupad ng dress code adjustment sa mga empleyado

Ni NERIO AGUAS

Nagpatupad ang Bureau of Immigration (BI) ng dress code adjustment sa mga tauhan nito sa gitna ng matinding init na nararanasan sa bansa.

Sa isang memorandum, inihayag ng administrative division ng BI na ang lahat ng empleyado ay maaaring magsuot ng smart casual uniform simula Mayo 7 hanggang Mayo 31, maliban sa Lunes kung saan kinakailangan ang kumpletong uniporme.

Exempted naman sa memorandum na ito ang mga empleyado sa ilalim ng civil security unit at ang mga nakatalaga sa international ports of entry at exit.

Ang hakbang ng BI ay habang ang bansa ay nakakaranas ng nakapapasong temperatura, kung saan ilang lugar ang na-tag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) bilang may ‘delikadong’ heat index classification.

Nauna rito, pinayagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga empleyado ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP) na magsuot ng light uniform habang naka-duty dahil sa sobrang init ng panahon.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang kaligtasan ng mga empleyado nito sa panahon ng matinding lagay ng panahon ang pinakamahalaga kaya ang dress code adjustment.

Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat upang maiwasan ang heat exhaustion at heat stroke.

Leave a comment