Pilipinas nahaharap sa krisis sa water regulation — solon

Senador Grace Poe

Ni NOEL ABUEL

Nagbabala si Senador Grace Poe na ang kakulangan sa tubig na nararamdaman sa ilang mga lalawigan ay maaaring mangyari muli kung hindi matutugunan ang pamamahala sa mga yamang tubig.

“Tagtuyot ngayon, baha naman sigurado sa susunod na buwan. Tila ito na ang reyalidad para sa ating mga kababayan taun-taon na lang,” sabi ni Poe, sa pagdinig ng Senate committee on public services sa Senate Bill No. 102.

Ang panukala ay naglalayong lumikha ng isang Department of Water na mangunguna at magsasama-sama sa pagsisikap ng buong lipunan para sa komprehensibo at pinagsama-samang pagpapaunlad at pamamahala ng mga yamang tubig sa bansa.

“The root of our water crisis is actually a crisis in regulation. The problem is not that we don’t have resources but that we do not effectively manage our resources,” aniya.

“Kailan tayo huling nagpatayo ng dam?” pag-uusisa ni Poe na sinasabing ang Angat Dam sa Bulacan na itinayo noong 1968 nang ang populasyon ay konti lamang at ang water demand ay nananatiling mababa.

“Pinanganak ako, 1968. Kung ako medyo sumasakit-sakit na ’yung mga buto-buto ko eh ‘yun pa kayang dam na ‘yan. But what I am saying is, ano ‘yung population natin noong 1968 at ano na ngayon? Doble. Magtataka ba tayo na kinukulang tayo ng tubig,” tanong ni Poe.

Sinabi ni Poe na sa kasalukuyan, hindi bababa sa 131 lungsod at munisipalidad mula Ilocos Norte hanggang Cotabato ang dumaranas ng matinding kakulangan sa tubig at nagdeklara ng state of calamity.

Sa pagtataya naman ng National Economic Development Authority (NEDA), sa 1,486 munisipalidad at tinatayang nasa 332 ang karamihan ay nasa urban poor spaces o sa mahihirap na probinsya, na ikinokonsidera na walang supply ng tubig.

Ikinalungkot ng senador na tuyo ang gripo ng mga kabahayan at negosyo tuwing panahon ng El Nino sa kabila ng pagkakaroon ng masaganang yamang tubig sa buong kapuluan.

Batay sa datos, ang Pilipinas ay mayroong 421 river basins; 59 natural na lawa; 100,000 ektarya ng freshwater swamps; 50,000 square kilometers ng groundwater reservoir; at 2,400 millimeters ng average na pag-ulan sa buong taon.

“Sa isang archipelago na napapalibutan ng tubig, nakakabahala na may mga lugar pa rin na walang malinis na tubig, at nakakahiya dahil ang mga bansang disyerto, parang mas wala pang water interruption kaysa sa atin. Our problem is the system,” sabi ni Poe.

Sinabi nito na ilang ahensya ng gobyerno ang inatasang mangasiwa sa supply ng tubig at irigasyon, ngunit hindi lahat ay may kakayahan sa pamamahala at regulasyon ng tubig.

“With over 30 departments and line agencies handling water-related functions, coordination on vital programs and data collection has been very limited, if not nonexistent,” ayon pa sa senador.

Leave a comment