
Ni NERIO AGUAS
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Korean nationals na pinaghahanap ng batas dahil sa pagkakasangkot sa pagnanakaw sa bansa ng mga ito.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga nadakip na mga dayuhan na sina Han Jungwoo, 37-anyos, Jo Woongje, 36-anyos at Lee Chihoon, 25-anyos, ng mga tauhan ng BI’s fugitive search unit (FSU) sa Talisay City, Cebu noong Mayo 3.

Sinabi ni Tansingco na ang mga Koreano ay nakalagay sa red notice na inisyu ng Interpol dahil sa mga warrant of arrest na inisyu laban sa kanila ng korte ng Korea.
Ang nasabing mga warrant of arrest ay naiulat na inisyu noong Enero ng eastern district court sa Seoul matapos ang mga kaso ng pagnanakaw ay isinampa laban sa kanila ng mga awtoridad.
Ayon kay Rendel Ryan Sy, BI-FSU acting chief, ang mga nasabing mga dayuhan ay inakusahan na gumamit ng sophisticated instruments tulad ng tracking devices at surveillance cameras para sikretong manmanan ang kanilang biiktima at kuhanin ang kanilang passwords at personal information.
Ang kinuhang mga datos ay ginamit ng mga suspek upang sirain ang seguridad sa mga tahanan ng kanilang mga biktima na kanilang ninakawan at tinangay ang mga ari-arian na nagkakahalaga ng mahigit sa 4.5 milyong won, o humigit-kumulang US$3,300.
Ang tatlong Korean nationals ay kasalukuyang nakadetine sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.
