Bilyong halagang tulong ipinamahagi ng DOLE

NI NERIO AGUAS

Ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tulong-pangkabuhayan at sahod sa ilalim ng emergency employment program nito noong Mayo 1.

Taglay ang pangakong protektahan ang mga manggagawa at iabot ang tulong ng pamahalaan sa mga mamamayan, ginanap ang payout sa buong bansa sa ilalim ng programa ng pamahalaan na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na nagkakahalaga ng P3.363 bilyon sahod para sa 673,519 benepisaryo.

Maliban sa pasuweldo sa TUPAD, namahagi rin ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng kabuuang P699 milyon sa 35,311 vulnerable at marginalized na manggagawa sa buong bansa.

Kabilang sa tulong-pangkabuhayan na iginawad sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ay para sa pag-aalaga ng kambing, food and beverage cart, gamit sa pananahi, at gamit pang-agrikultura.

Nagsagawa rin ng skills showcase ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang bahagi ng mga aktibidad sa Araw ng Paggawa.

Nag-organisa rin ng KADIWA ng Pangulo fairs sa 103 lugar sa buong bansa para ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan at abot-kayang lokal na produkto sa mga manggagawang Pilipino.

Leave a comment